HINDI dapat ipagwalang-bahala ang mga balitang maaaring sumalakay ang mga terorista sa Filipinas gamit ang ‘suicide bomber’ para maghasik ng lagim at takutin ang ating pamahalaan para tumigil sa pagtugis sa mga rebeldeng Muslim na nasa bansa, punto ni retired Gen. Rodolfo Mendoza sa Tapatan sa Aristocrat sa Malate, Maynila.
Salungat ito sa pahayag ng security expert na si Dr. Stephen Cutler ng Estados Unidos, na nagsabing wala sa kultura ng mga Filipino ang magsagawa ng aksiyon tulad ng mga ginagawa ng ibang terorista sa ibang bansa, partikular sa Gitnang Silangan at maging sa maga kalapit-bansang Malaysia at Indonesia.
“From my observations, I believe that the culture of suicide bombing is not present in the Philippines. Muslim rebels here and some terrorist groups may resort to violence as a means to publicize their beliefs but this will not incur actions like members performing suicide missions,” ani Cutler.
Ayon kay Mendoza, ang self-proclaimed Father of Counter Terrorism Investigation ng bansa, hindi nanga-ngahulugang dahil wala pang naitatalang suicide bomb attack sa Filipinas ay ligtas na tayo sa ganitong uri ng pagsalakay ng mga terorista. Binanggit ng heneral ang pagsasagawa nila ng raid noong nasa aktibong serbisyo pa siya kontra isang cell ng Rajah Soliman Movement na nasamsaman nila ng ilang literaturang bumabalangkas ng pagdodoktrina ng mga suicide bomber at kung bakit kinakailangan itong gawin para sa pagpapalaganap ng Islam.
“There had been attempts in the past, gaya sa Super Ferry na tinangka ng Abu Sayyaf. Naaresto ng mga awtoridad sa Pangasinan ang suicide bomber na nagtatago sa engine room na magpapasabog sana ng bomba roon,” ani Mendoza.
“Hindi natin ito dapat balewalain tulad ng ginawa nila sa Indonesia at Malaysia hangang nagkaroon ng suicide bombing attack na ikinasawi ng maraming sibilyan at inosenteng tao,” dagdag niya.
ni Tracy Cabrera