TINIYAK ng Department of Justice (DoJ), haharap sa isasagawang imbestigasyon ng Kamara de Representante ang mga testigo laban kay Sen. Leila de Lima na iniuugnay sa mga nakakulong na drug lord sa New Bilibid Prisons (NBP).
Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre, may lima hanggang anim silang testigo laban sa senadora na kinabibilangan ng prison guard, bagman at kaibigan ni De Lima.
Sa katunayan, mayroon na aniyang nagbigay ng sinumpaang salaysay at laman nito ang sanhi nang paglaganap ng operasyon ng droga sa NBP at ang naging kapabayaan ng dating mga opisyal ng DoJ kaya namayagpag ang operasyon.
Dagdag ni Aguirre, binanggit din ng isa sa mga testigo ang pangalan ng driver ni De Lima na nagsilbing tagakolekta ng drug money mula sa mga high-profile drug lord.
At kahit tapos na ang eleksyon, nakikita pa rin aniya sina De Lima at ang kanyang dating karelasyon na si Ronnie Dayan sa Urbiztondo, Pangasinan.
Inihayag ni Aguirre, mayroon din silang hawak na ebidensiya laban kay dating Justice Undersecretary Francisco Baraan na ang pangalan ay nakaladkad sa sinasabing ugnayan ni De Lima sa mga drug lord sa Bilibid.
Ginawa ni Aguirre ang pahayag sa idinaos na Europe-Philippines Justice Reform Programme sa Marco Polo Hotel sa Ortigas kamakalawa.
Nauna nang sinabi ni Aguirre, kumakalap na sila ng testigo at ebidensya kaugnay nang pamamayagpag ng mga drug lord sa NBP.
Ang nasabing bagay ay mariing itinanggi ni Atty. Baraan.
( LEONARD BASILIO )