Hiniling ng Caloocan Vice Mayor sa mga benepisyaryo ng pabahay sa Camarin, Caloocan, na gampanan ang kanilang bahagi para sa ikatatagumpay na nakamit ng Homeowner’s Association ng Blue Meadows.
Sa groundbreaking and thanksgiving ceremony ng Blue Meadows sa Barangay 175, ipinahayag ni Vice Mayor Macario “Maca” Asistio ang kanyang galak sa proyekto ng asosasyon sa pangunguna ng presidente na si Darling Arizala.
Inihayag ni Asistio ang kanyang kahilingang pangalagaan ng mga residente ang itatayong 11 gusali.
“Sana ‘yong mga beneficiary ay magbayad nang tama para maging smooth-sailing ito,” ani Asistio sa mga tenant na nakatakdang magbayad ng 1,370 piso kada buwan sa loob ng 25 taon.
Dumalo sa seremonya ang mga kaagapay ng HOA ng Blue Meadows: ang Social Housing Finance Corporation (SHFC), ahensiyang nagpautang ng P186 milyon sa asosasyon; at ang ABESCO Construction and Development Corporation, kompanyang napili ng asosasyon bilang kontraktor ng proyekto.
Bukod sa bilin ng vice mayor, nakiusap si Allan Catura, representatib ng SHFC, na panatilihing malinis at maayos ang nasasakupan ng Blue Meadows.
Samantala, hiling ni ABESCO President Benjamin Alonzo ang magandang epekto ng proyekto para sa buong Barangay 175. Aniya, “Sana maging model community ang Blue Meadows.”
Tiniyak ni Arizala, makalilipat ang 496 tenants sa Blue Meadows sa Agosto 2017.
(Joana Cruz at Kimbee Yabut)