HANDOG ng Homeowner’s Association (HOA) ng Kapitbahayan Blue Meadows, ang isang abot-kaya at dekalidad na pabahay sa Caloocan City.
Makaraan ang halos tatlong taon na pagsisikap ng mga residente ng Blue Meadows, sa pangunguna ng kanilang HOA President Darling Arizala, opisyal na idinaos ang Groundbreaking Ce-remony ng Blue Meadows Housing Project kahapon ng umaga sa Balintawak Subdivision, Barangay 175, Camarin Caloocan City.
Kaagapay ang ABESCO Construction and Development Corporation, matagumpay na naipaglaban ni Arizala ang pagpapatayo ng 11 gusali na bubuuin ng siyam na 3-storey at dalawang 2-storey building.
Umabot sa P186-milyon ang inutang ng Blue Meadows HOA sa Social Housing Finance Corporation (SHFC) upang mabigyan ng bahay ang 496 tenants na binubuo ng mga pamilyang dating nakatira sa gilid ng creek at makailang beses nakaranas na muntik tangayin ng baha.
“Hindi naging madali ang proseso bago matupad ang pangarap namin na magkabahay” sabi ni Arizala.
Ayon sa kanya, kabi-kabilang paninira at intriga ang naranasan niya dahil sa proyekto. Umabot sa puntong napagbantaan ang kanyang buhay.
Ani Arizala, makailang beses siyang tinawag na estapador ng mga empleyado niya, dahil walang nangyayari sa proyekto bunsod ng mabagal na prosesong legal. May iilan din na nagsasabing peke ang proyekto, at nagnanais na pababain siya sa puwesto.
Pero sa kabila ng mga unos na pinagdaanan, tuloy na tuloy na ang pagpapatayo ng Blue Meadows Housing. Ang kaibahan nito sa ibang housing project, ang mga benepisyaryo ay kalahok sa pagpaplano at pagdedesisyon para sa disenyo ng condominium bago tuluyang ipatayo ang mga gusali.
Halagang P1,370 ang babayaran kada buwan ng 496 tao na kumuha ng unit, na huhulugan ng mga tenant sa loob ng 25 taon.
Naniniwala si Arizala na malaking tulong ito para sa mga residente ng Barangay 175 na matagal nang nangangarap magkaroon ng sarili nilang bahay.
Bukod sa ABESCO at SHFC na nakatuwang ng asosasyon sa tatlong taon na pagkayod para sa proyekto, taos-puso rin ang pasasalamat ni Arizala sa mga opisyal ng local government unit ng Caloocan City, Barangay 175 at sa national chairman ng Alab ng Mamamahayag (ALAM) at publisher ng Hataw na si Jerry Yap, na walang-sawa sa pag-aabot ng tulong sa Blue Meadows mula pa noon.
Isa ang Camarin, ayon sa ulat ng Asian Development Bank (ADB), sa mga lugar sa Caloocan na may pinakamataas na density sa lungsod, o pinakamalaking populasyon kada isang kilometro-kuwadrado.
Nakasaad doon ang patuloy na pagtaas ng urban poor sa lungsod.
Tinatayang isang taon ang hihintayin ng mga tenants bago maokupahan ang kani-kanilang mga unit sa Agosto 2017.
nina Joana Cruz at Kimbee Yabut