LIMANG-araw isasailalim sa re-training ang mga kawani ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Land Transportation Office (LTO), Land Transportation, Franchising and Regulatory Board, (LTFRB) at Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) upang pag-isahin ang puwersa para sa pagmamantina ng trapiko sa Metro Manila.
Pangungunahan ni Department of Transportation Arthur Tugade ang limang araw na re-training program na isasagawa sa tanggapan ng MMDA.
Kahapon, nagsimula ang unang araw ng re-training na posibleng matapos hanggang Sabado.
Sa unang araw na re-training ng mga kawani ng nabanggit na mga ahensiya, nagbabala si Tugade, iwasang masangkot sa ano mang uri ng katiwalian.
Binigyan-diin ni Tugade, walang puwang sa kanyang pamamahala ang mga tiwaling kawani ng nabanggit na mga ahensiya.
Layunin ng re-training program na pag-isahin ang puwersa ng MMDA, LTO, LTFRB at PNP-HPG para sa pagmamantina ng trapiko at ang hahawak at pinakapuno ng mga ahensiya ang Department of Transportation (DoTr) na pinamamahalaan ni Tugade.
( JAJA GARCIA )