DINALA ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez ang kanyang kampanya kontra-droga at kontra-ingay, sa mga restobars at club sa lungsod, bilang pagtugon kay PNP Chief Ronald “Bato” De La Rosa.
Ipinatawag ni Parañaque Business Permits and Licensing (BPLO) Chief, Atty. Melanie S. Malaya, ang lahat ng owner at manager ng mga resto-bar at club sa kahabaan ng Aguirre sa BF Homes, sa isang pagpupulong sa City Hall nitong Biyernes upang hingin ang kanilang kooperasyon sa nabanggit na kampanya.
Sinabi ni Mayor Olivarez, buo ang suporta ng City Government sa kampanya upang tuldukan ang problema sa ilegal na droga sa loob ng 3-6 buwan.
Ipinatawag ng alkalde ang City Peace and Order and Council sa isang pagpupulong noong nakaraang linggo at inatasan ang BPLO at Parañaque PNP na isama ang resto-bars at clubs sa kanilang kampanya.
“Mabuti ang kinalabasan ng pagpupulong, at nangako ang mga bar operator at manager na makikipagtulungan sa atin,” ani Malaya.
Ayon kay Malaya, nangako ang 30 bar owners at managers na dumalo sa pagpupulong sa City Hall, na magbabantay, mahigpit na magbabawal ng mga party drug, at magpapapasok ng pulis upang magsiyasat, sa kani-kanilang mga establesimiyento.
Nangako sila na hindi magpapapasok ng mga menor-de-edad na walang kasamang nasa legal na edad.
Sinabi ng hepe ng Parañaque Police na si P/SSupt Jose Carumba, nagpadala sila ng mga pulis na naka-unipormeng asul sa iba-ibang establesimiyento para magresponde sa mga ilegal na gawain.
Ani Carumba, walang makalulusot sa 10:00pm curfew na ipinapatupad sa kanilang lungsod.
Babawasan ang ingay sa mga establesimyento pagtungtong ng 1:00 am, bilang parte ng napagkasunduan, dagdag ni Malaya.
nina Joana Cruz at Kimbee Yabut