DINAGDAGAN ang bilang ng mga peace panellist na tatalakay sa implementasyon ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB), anunsiyo ni Presidential Communications Office Secretary Martin Andanar kahapon sa isang press conference sa Malate, Maynila.
Mula 15 ay napagkasunduang gawing 21 ang miyembro ng Bangsamoro Transition Committee (BTC), ang grupong binuo tungo sa pagpapatupad ng CAB, sa meeting na ginanap sa Kuala Lumpur, Malaysia noong Sabado.
Ayon kay Andanar, ang 21 panellist ay bubuuin ng 10 kintawan mula sa pamahalaan samantala 11 ay manggagaling sa Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Dahil sa pagbabagong ito, ang mga grupong hindi naisali noong mga nakaraang administrasyon ay maaari nang makiisa sa peace talks.
Itinuturing ang “inclusivity” na ito ng BTC bilang daan sa implementasyon ng CAB bago isulong ang pederalismo sa 2019.
“Sana maisama sa 2019 kung hindi ay magkakaproblema sa badyet, dahil may hinahabol na federalism,” ani Andanar.
nina Joana Cruz at Kimbee Yabut