QC Councilor Hero Bautista is signing off…
Jerry Yap
August 17, 2016
Opinion
NANGINGILID ang luha at basag ang boses ni Konsehal Hero Bautista nang basahin sa harap ng Sangguniang Panglungsod ang kanyang privilege speech para magpaalam sa kanyang mga kapwa konsehal ng lungsod na siya ay pansamantalang liliban ‘para hanapin ang kanyang sarili.
‘Nawawala’ pala siya nang hindi niya alam…
Nakiusap siya kanyang mga kapwa konsehal at constituents na huwag siyang husgahan agad — siya raw po ay biktima rin ng salot na droga.
Sa totoo lang, naantig ang puso ko sa eksenang ‘yan.
Hindi niya kinompirma kung siya ang konsehal na nagpositibo sa drug test pero nagpaalam siya na magle-leave ng 30-araw para umano sa soul searching.
Hindi ka ba susuko kay ‘Kuya Bistek,’ Konsehal Hero?
O kay Presidente Rodrigo Duterte kaya?
Puwede rin kay PNP chief, Director General Ronald Bato…
‘Yan daw ang bentaha ng mayayaman na drug user o biktima ng drug menace, kapag nabuking, puwedeng magbakasyon para mag-soul searching o mag-retreat…
Napakasuwerte mo nga raw Konsehal Hero, ‘dahil hindi ka puwedeng mang-agaw ng baril.’
Pero bukod sa pagso-soul searching mayroon pang mabuting bagay na puwedeng gawin si Konsehal Hero.
‘Yan ay kung ituturo niya ang kanyang source…
Sino ang pinagkukuhaan o supplier mo, Konsehal Hero?
Napakagandang ehemplo kapag nagawa mo ‘yan at mapahuli ni utol Mayor Bistek ang salot na tulak sa Quezon City na sumisira sa buhay ng mga tao.
Kapag naituro ni Konsi Hero kung sino ang kanyang source, maniniwala na tayo na hindi nagkamali ang kanyang tatay at nanay nang bigyan siya ng pangalan…
Sana nga, pagbalik niya ‘e isa na siyang ‘magiting’ na Hero…
ANYARE KAY ATTY. TRIXIE ANGELES!?
Talagang totoo pala ang kasabihang “Don’t judge a book by its cover.”
Itong isang abogadang ang imaheng gustong iparating sa publiko ay bilang isang “crusader” ay inaakusahan na estapador at mukhang pera raw sa totoong buhay?
Sinuspinde kamakailan ng Korte Supreme at pinagbawalang maghanapbuhay bilang abogado sa loob ng tatlong taon itong isang Trixie Cruz-Angeles, lawyer ng mga tiwalag na miyembro ng Iglesia Ni Cristo.
Tumanggap umano ng kasong annulment at binayaran ng P350,000 bilang acceptance fee si Atty. Angeles at law partner na isang Wylie Paler pero wala umanong isinampang kaso sa korte.
Sinisi pa ang kliyente dahil hindi raw kompleto ang ibinigay na dokumento. Nang nais bawiin ng kliyente ang binigay na pera, ‘e ayaw nang isoli nina Angeles. At humihirit pa raw na dagdagan ng P45,000 ang singilin para daw panglakad sa piskalya.
Wattafak!?
Hindi ba’t malinaw na pang-i-estapa at panloloko ang ganyang estilo?
Kunsabagay, matagal na raw may napapabalitang kabalbalan na ginagawa si Atty. Angeles.
‘Di ba nga at may isa rin siyang law partner noon, bukod kay Paler, ang nagsambulat sa madalas na bantay-salakay na istayl ni Angeles para lang makapaningil ng pera sa mga balak maging kliyente o kalaban sa kaso?
May tsismis rin na nagbayad pa nga raw para lang ma-feature sa isang “advertorial” sa isang tanyag na magasing panlalaki?
Gusto palang magpaseksi nitong si Angeles?
Hindi rin daw malayong nagkamal din ng malaking pera sa paghawak niya sa mga kaso nina Lottie Manalo-Hernandez, Angel Manalo, Lowell Menorca II at Isaias Samson, Jr., na mga tiniwalag na miyembro ng INC?
Si Samson umano ang nagpakilala kay Angeles sa grupo ng mga tiwalag.
Ang siste, bokya naman pala ang rekord nitong si Angeles. Ibinasura lahat ang reklamong kriminal na isinampa nila sa DOJ at sa piskalya laban sa pamunuan ng INC.
Idi-dismiss na rin umano ang petisyong habeas corpus ni Menorca sa Court of Appeals. Ini-utos na rin na patalsikin sa INC compound sina Hernandez ng korte sa Quezon City.
Anyare sa galing ng abogada?
Makiyaw-kiyaw lang daw sa media pero walang ipinanalong kaso laban sa INC.
Malakas nga ang ugong-ugong na nag-aaway na ang grupo nina Menorca at Samson dahil sa pera.
Ito naman daw si Angeles ay napakalaki pa raw ng singilin sa mga dating miyembro ng INC.
Hindi biro-birong masuspinde ng Korte Suprema ang isang abogado lalo na sa loob ng tatlong taon.
Malaking kahihiyan ito para kay si Atty. Angeles lalo sa kanyang propesyon at sa publiko.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN – Jerry Yap