Sa libingan ng mga bayani si Makoy — Digong (Tama na, sobra na, ilibing na!)
Jerry Yap
August 14, 2016
Opinion
TAMA lang ang paninindigan ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na panahon na para ilibing si dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Malinaw ang argumento ni Digong – si Makoy ay dating pangulo at dating sundalo, kaya nararapat lang na mailagak ang kanyang mga labi sa Libingan ng mga Bayani.
Hindi tayo kanan o kaliwa pero sa ganang atin, pabor tayo na dapat nang ilibing sa Libingan ng mga Bayani si Makoy.
Simpleng tanong lang, makakamit ba ng mga sinasabing biktima ng Batas Militar ang katarungan kung hindi ililibing si Makoy?
Hindi natin alam kung bakit napakatigas ng ulo ng grupong makakaliwa at dilawan, at hanggang ngayon ay tutol sila sa paglilibing kay Makoy sa Libingan ng mga Bayani.
Alam nating meron pagkakasala si Makoy, pero pati ba naman paglilibing ay haharangin pa nitong mga grupong ito?
Kung titingnan lang kasi ang kasaysayan, alam kaya ng nasabing grupo na ilang pangulo at indibiduwal ang inilibing sa Libingan ng mga Bayani na maituturing na mga taksil at gu mawa ng kalupitan sa mamamayang Filipino?
Sabi nga ni Digong, ang paglilibing kay Makoy sa Libingan ng mga Bayani ay daan para sa paghihilom sa mga sugat na iniwan ng mga nagdaang administrasyon.
Kaya nga hindi dapat pakinggan ang grupo ng makakaliwa at dilawan sa kanilang kagustuhan na huwag ilibing si Makoy sa Libingan ng mga Bayani dahil mayorya sa ating mga kababayang Filipino ang gustong mailibing na si Makoy.
Mismong sa survey ng StratPolls, lumalabas na higit sa nakararaming mamamayan sa National Capital Region ang pabor na ilibing si Makoy sa nasabing libingan.
Sa survey, 71.6 percent ang pabor sa paglilibing, samantala 28.4 percent lamang ang tutol.
Malinaw na tanging layunin ng grupong kaliwa na maipalaganap ang kanilang gasgas na propaganda at makakuha ng suporta para sa kanilang organisayon.
Ganoon din naman ang grupong dilawan na nagnanais mapabagsak ang administrasyon ni Digong gamit ang isyu sa Marcos burial.
Malinaw din ang gusto ng taongbayan na maituloy na ang paglilibing kay Makoy sa Libingan ng mga Bayani.
Hindi dapat pinakikinggan pa ang grupong ito na napakaliit ng bilang kung ihahambing sa milyong Filipino na nais na matuldukan ang isyu sa paglilibing kay Makoy.
Ngayong araw nakatakdang magsasagawa ng kilos-protesta ang grupong makakaliwa kabilang na ang mga alipores ni dating Pangulong Noynoy Aquino para tutulan ang nakatakda nang paglilibing sa dating presidente.
Isang uri ito ng pagpapakita ng lakas at puwersa na tumutol sila sa Marcos burial at maituturing din itong pananakot kay Digong dahil sa kanyang naging desisyon.
Kung tutuusin, nakauumay na ang makakaliwang grupo kabilang na ang kakonstsaba nitong dilawan ni Noynoy.
Walang bagong isyung maihain sa taongbayan kaya naghahalukay sila ng mga isyu para lang sila makapagsagawa ng walang kapararakang kilos-protesta.
Tama na sobra na, ilibing na!
No parking no new car
TAMA SANA PERO…
Isa tayo sa mga naniniwala na malaki ang maitutulong ng sistemang no parking, no new car.
Panukalang batas (HB 5098) ‘yan na itinutulak ni Rep. Sherwin Gatchalian maaprubahan na raw.
Sa nasabing panukalang batas, kinakailangan na ang sino mang bibili ng bagong sasakyan ay magpakita ng proof of parking space.
Puwede ngang sa pamamagitan nito ay lumuwag ang trapiko sa Metro Manila.
Kasi nakita naman ninyo, ultimo gilid ng Quezon Boulevard sa Quiapo, Maynila ginagawang parking area.
Best example rin ang isang housing project ng Quezon City sa Commonwealth Ave., Extension, sa Sta. Monica, Novaliches, Quezon City na sandamakmak ang mga SUV na nakaparada sa national road.
Alam naman ninyo ang ‘middle class,’ daming sasakyan na ipinaparada sa kalsada.
Iisipin ninyong parang may party, party sa dami ng sasakyan.
‘Yun pala mga sasakyan ng unit owner na walang maparadahan!
Aba, huwag biruin ang halaga ng pagpapagawa ng nasabing kalsada, milyon-milyones ‘yun mula sa pondo ng gobyerno tapos gagawin lang parking area?!
Pero sabi nga, hindi naman dapat padalos-dalos…
Ang unang dapat gawin kahit wala pa ang panukalang batas na ‘yan, magkaroon ng parking area ang bawat barangay nang sa gayon ay mayroong pupuntahan ‘yung mga pinaalis na sasakyan sa lansangan.
Pinaaalis nga pero ang tanong, saan dadalhin ang mga sasakyan na pinalalayas sa kalsada?!
Huwag naman gawa nang gawa ng batas pero pagdating sa implementation mas marami ang negatibong epekto.
Isip-isip din!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN – Jerry Yap