The busiest senator si Sen. Manny Pacquiao!
Jerry Yap
August 13, 2016
Opinion
MALAKI talaga ang nagagawa ng self-esteem sa isang tao.
Kung ihahambing natin ang mga retrato ni Senator Manny “Pacman” Pacquiao noong araw na wala pa siyang pangalan sa mga retrato niya sa kasalukuyan, kitang-kita ang pagkakaiba sa expressions ng kanyang mukha.
Noon, kitang-kita na kulang pa ang kanyang tiwala sa sarili at parang laging maraming agam-agam.
Pero ngayon, nag-uumapaw na ang self-esteem sa bikas pa lang ng kanyang mukha.
At hindi lang sa mukha, pati sa aktuwal na takbo ng kanyang buhay, apaw na apaw na ang kompiyansa at bilib niya sa kanyang sarili.
Bilang isang mambabatas, basketball playing coach, philanthropist, Christian, businessman, senator at higit sa lahat people’s boxing champ.
Haaaay!
Napagod ako doon ha?!
Akala nga natin, titindigan na niya ang kanyang pagreretiro sa boksing dahil magpu-fulltime na raw siya bilang isang senador…
Pero maling akala pala…
Agitated yata si Senator Manny ng Rio Olympics kaya biglang nag-desisyon na lalaban daw siya sa Las Vegas.
Mantakin ninyo, sa dami ng kanyang pinagkakaabalahan at sa dami ng kayamanan, hindi pa rin naiwawaglit sa kanyang isip ang milyon-milyong dolyares ‘este pagboboksing?!
Ibang klase ka, Mr. Senator!
Hindi ka ba marunong mapagod?
Hindi naman kaya lugi ang sambayanang Filipino sa desisyon mong ‘yan?!
I-waive mo na rin kaya ang suweldo mo bilang Senador? Barya lang naman ‘yan sa kinikita mo bilang boksingero.
Senator Manny, puwede bag kumarera ka naman bilang mambabatas?!
Kawawa naman ang mga bumoto at nagtiwala sa iyo, kung lagi mong pinaglalaruan ang tiwala nila sa iyo.
Baka mas bumilib pa kami sa iyo kung magsasanay ka ng iyong second liner bilang boksingero.
Aba, it’s about time to train more boxers in your calibre…
Do the honor please…
DIVISORIA NIGHT MARKET
VENDORS TINARAHAN
NG 4M KADA BUWAN?!
Hindi natin alam kung namo-monitor ni Manila Mayor Erap Estrada ang ilang tulisan ‘este’ tauhan na pinagkakatiwalaan niyang mamahala sa mga vendor sa Maynila.
Nakatanggap tayo ng mga reklamo na may dalawang kamoteng opisyal sa city hall na tatlong beses nang nagpapa-meeting sa mga block leader ng mga vendor.
Ang unang meeting ay ginanap sa sa isang opisina sa city hall at ang sumunod ay sa Manila Grand Opera hotel.
Humarap sa kanila ang isang alias ‘Boy Leche at Dada’ na nagpapakilalang trusted man ni Yorme Erap daw?!
Wattafak?!
Ang akala ng mga lider ng vendors ay pag-uusapan sa special meeting kung paano aayusin ang kanilang pagtitinda pero laking desmaya nila nang hiritan sila ng dalawang ugok ng 4M tong kada buwan?!
Nakiusap naman ang mga lider ng vendor na bawasan ang tarang inihihirit sa kanila at talagang hindi nila kakayanin ang 4M kada buwan.
Mahigpit pa ang bilin ng dalawang demonyo sa city hall sa mga vendor na hindi dapat makarating ang pinag-usapan nila sa media.
Buong akala natin ay maglilinis ang Manila city hall sa mga kalsada ‘yun pala bulsa ng mga vendor ang gusto nilang linisin?!
Sonabagan!!!
BI-POD CHIEF
NAGPAPAALALA
NG TAMANG ASAL
Isang memorandum ang ipinalabas ni Bureau of Immigration Port Operation Division (POD) Chief Red Mariñas tungkol sa kanyang panawagan para sa lahat ng immigration officers na sakop ng BI-POD lalo na ‘yung mga naka-assign sa immigration counter — na ayusin ang pakikiharap at pagtrato sa mga pasahero.
Kasama na rito s’yempre ang pagbabawas ng masamang asal na kawalan ng modo at pagiging maangas ng isang immigration officer(IO)!
Mabuti naman!
Sa wakas ay nabigyan na rin ng babala ang dumaraming IOs na sagad ang kaangasan at kabastusan sa counter lalo na kung ang kaharap ay overseas Filipino workers (OFWs) na nakaaawa ang hitsura.
Tila hindi yata napaaalalahanan ang ilan sa kanila pagdating sa kagandahang asal lalo sa kapwa Filipino.
Nalimutan din yata nila na ang ipinasusuweldo sa kanila ay galing sa buwis na ibinayad ng taongbayan kasama na ang OFWs na kanilang sinusungitan!
Karamihan daw sa madalas na ireklamo ay ilang bagong immigration officers na wala pang limang taon sa kagawaran.
Kung maririnig sila kung paano magsalita at suminghal sa counters ‘e talagang manliliit ‘yung tao at puwede nang itakwil bilang kababayan!
Mas nararapat siguro na igarahe sila, agad-agad sa BI main office, sa pagpapakita ng masamang asal lalo sa mga kababayan at tanggalan din ng OT.
‘Yan ay para magtanda sila at hindi na pamarisan ng iba!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN – Jerry Yap