GENERALIZED ang statement ni Secretary Vitaliano Aguirre hinggil sa media na binabayaran umano para i-diskaril ang kampanya kontra-ilegal na droga ng adminsitrasyong Duterte.
Isa na naman itong pabigla-bigla at padalos-dalos na pahayag.
In short, isang pahayag na ‘burara.’
Secretary Aguirre, alam ba ninyong araw-araw ay nagsasalansan ang editorial desk ng mga istoryang paulit-ulit na patayan.
Araw-araw ay nagbibilang ang editorial desk ng mga bangkay ng mga taong walang pangalan, mga babae at batang umiiyak dahil napatay ang tatay ng pamilya. Matandang nanay na nawalan ng anak na nagpapakain sa kanya?!
Ayaw sana nating patulan ang ganitong “emotional blackmail.”
Naniniwala ang inyong lingkod na ang nangyayari ngayon ay ‘apo sa talampakan’ ng pagpapabaya sa lipunan ng mga naunang lider ng ating bansa.
Huwag na tayong lumayo, ‘yung sinundan ninyong administrasyon, matagal na pala nilang hawak ‘yang narco-list na ‘yan, pero ni hindi nag-angat, kahit nga ng kalingkingan para mabawasan ang mga salot sa lipunan.
Kaya sana naman, maging responsable rin si Secretary Aguirre sa pagsasalita kung mayroon man siya o silang alam na binabayarang media para idiskaril ang maigting na kampanya laban sa droga.
Mr. Justice Secretary, name names please… kumbaga sa baril, strafing ‘yang ginagawa ninyo sa media.
Kung mayroon po kayong impormasyon kung sino sila, ilantad na po ninyo.
Alam naman namin, sa administrasyong ito, hindi uso ‘yung mga nagsasalita nang walang basehan o pinaghahawakang ebidensiya.
Sigurado, maliwanag pa sa sikat ng buwan ang mga ebidensiyang ‘yan, Secretary Aguirre.
Pangalanan na po ninyo kung sino man ‘yan, para malaman namin kung talagang taga-media ‘yan.
‘Yun lang po.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com