Parusang kamatayan, napapanahon na ba?
hataw tabloid
June 21, 2016
Opinion
PANAHON na nga bang ibalik ang parusang kamatayan sa bansa? Naging usap-usapan sa kanto ang pagbabalik ng kamatayan sa napapatunayang kriminal na sangkot sa karumaldumal, hindi lamang dahil ito ang isa sa plano ni incoming President Rodrigo Duterte kundi dahil sa palala nang palala ang kriminalidad sa bansa.
Sa sampung Filipinong nakakausap o natatanong ngayon kung pabor sila sa pagbabalik ng parusang kamatayan, masasabing dalawa hanggang tatlo lang ang tutol sa pagbabalik ng capital punishment.
Katuwiran ng pito, nararapat nang ibalik ang kamatayan dahil sa mga nangyayari ngayon. Pusong kriminal na kasi ang mga nasasangkot sa mga karumaldumal na krimen. Hindi nakikitaan ng ano mang pagsisisi.
Hindi lang ito, kundi maging mga bata ay hindi na pinatatawad – pinapatay, at hinahalay.
Habang ang lalabi na tatlo, katuwiran naman nila ay bansang Kristiyano ang Filipinas, bukod sa walang sinoman ang may karapatan na wakasan ang buhay ng sinoman.Tanging ang Panginoong Diyos lang ang may karapatan na bawiin ito anoman oras sa bawat indibiduwal. At, higit sa lahat ay hindi ipinadala ng Panginoong Diyos ang Kanyang bugtong na Anak, Hesu Kristo, sa sanlibutan para sa mabubuti kundi para sa mga makasalanan.
Inirerespeto naman atin ang bawat opinyon ng magkabilang panig pero mas masasabing tama ang tatlong (30%) tutol sa pagbabalik ng parusang kamatayan.
Lamang, hindi na rin natin masisi ang pito (70 porsiyentong) pabor sa pagbabalik ng kamatayan dahil sa araw-araw na napapabalitang kaliwa’t kanang pagkilos ng mga kriminal sa bansa. Sabi nga ng nakararami,paano kung sa kaanak natin nangyari ang krimen.
Sa ulat ng pulisya, paggamit ng “droga” ang bunga ng karamihan sa kriminalidad sa bansa. Bangag sa shabu sa shabu ang mga suspek.
Sa ngayon, bagamat hindi pa naibabalik ang parusang kamatayan, marami nang kriminal ang napapatay lalo na ang mga tulak ng shabu. Nahatulan na agad ng kamatayan. Nanlaban nga kasi at tangkapang patayin ang mga pulis kaya walang choice ang mga operatiba kundi ipagtanggol ang kanilang sarili kaysa sila naman ang maitumba ng mga kriminal. Tama lang di ba,CHR?
Sa tuwing may napapabalita ngang bigtime pusher na napatay sa police operation, maraming natutuwa bagamat duda sila sa kung talagang nanlaban ang mga pusher kaya napapatay. Basta’t ang importante daw ay unti-unting na babawasan ang mga pusher ang bansa.
Sa pinakahuling insidente sa Quezon City – dalawang babaeng kawani ng fastfood chain ang halinhinang ginahasa nina Wilfredo Lorenzo at Alfie Turado sa loob ng kanilang ipinapasadang colorum na van. Napanood niyo naman siguro ang reaksyon ng dalawang biktimang galit na galit sa mga suspek. Habang buhay nilang (mga biktima) na dadalhin ang nangyari sa kanila.
Bagamat napatay na ang isa sa dalawa – si Turado, makaraang mang-agaw ng baril sa mga escort niyang pulis, sa tingin niyo ba ay maibsan na ang galit ng mga biktima laban sa dalawang humalay sa kanila? Makalilimutan na ba ng dalawang babae ang nangyari sa kanila?
Dahil dito, hindi na rin masisi ang nakararami sa pagsasabing tama lang ang nangyari kay Turado – ang mapatay bagamat duda ang nakararami sa pagkamatay ni Turado. Nabibiruan nga pa ang ibang nakausap ko sa isang barber shop, anila’y sana maging si Lorenzo ay ibiyahe na raw para mang-agaw din ng baril.
Muli, balik tayo sa katanungang, nararapat na nga bang ibalik ang parusang kamatayan sa bansa base sa mga nangyayaring krimen sa ngayon? Kung maibalik ito, matitigil na rin kaya ang pagluluto ng shabu sa bansa? Matitigil na rin kaya ang bentahan ng shabu sa bansa at higit sa lahat matitigil na rin kaya ang mga karumaldumal na krimen?
O ano, pabor ba kayo sa pagbabalik ng parusang kamatayan sa bansa?