PAPASOK sa giyera, kailangan ay kumpleto o sobra-sobra ang sandata ng isang hukbo. Kung kapos ang kagamitan ng mga ito, malamang na suicide mission na matatawag ang kanilang engkwentro!
Ang best-of-seven championship series ng PBA Commissioner’s Cup ay maihahalintulad sa isang giyera. Matapos ang 11-game elimination round at ang bakbakan sa best-of-three quarterfinals at best-of-five semifinals, laglag ang sampung kalahok sa torneo at dalawa na lang ang natitirang nag-aambisyong magkampeon.
Iyan ang Alaska Milk at Rain Or Shine na maituturing na kapwa gutom.
Ang Aces ay sumegunda sa San Miguel Beer sa huling dalawang conferences. Katunayan, sa huling Philippine Cup ay isang panalo na lang ang kailangan ng Aces upang maiuwi ang korona matapos na magposte ng 3-0 kalamangan. Pero kinapos sila.
Ang Rain Or Shine naman ay manaka-nakang pumasok sa Finals. Bale ikaanim nila itong Finals appearance. Noong nakaraang season ay narating din nila ang Finals ng Commissioner’s Cup subalit sumegunda sa Talk N Text matapos ang pitong games. Ang masaklap ay inabot pa ng dalawang overtime periods ang Game Seven.
Ngayon nga ay nais ng Aces at Elasto Painters na magpakabusog at kunin ang titulo.
Kung titignan, medyo angat ang Aces sa experience dahil ika-30 Finals appearance na nila ito.
Ang problema ay dehado sa tao ang Alaska Milk dahil sa kulang ng tatlong ‘healthy bodies’ang line-up ni coach Alex Compton.
Sa elims pa lang ay nagtamo na ng injury ang lead point guard na si JVee Casio. Sa quarterfinals ay nagkaroon naman ng injury ang muscleman na si Vic Manuel. At papasok sa Finals ay nagtamo rin ng injury ang dating Most Valuable Player na si Eric Menk.
Hindi basta-basta ang tatlong manlalarong ito. Kumbaga ay hindi lang baril ang mga ito. Kanyon, bazooka at tangke sila. Iyon ang name-miss ng Aces sa giyerang ito.
Ang tanong ay kung may pupuno sa pagkawala. At kung hanggang saan at kailan mapupunan?
SPORTS SHOCKED – Sabrina Pascua