Nagpakitang gilas muli ng isang panalo ang kabayong si Space Needle na sinakyan ni Jeffril Zarate sa isang 3YO Handicap Race (4-5) na grupo nung isang gabi sa pista ng San Lazaro. Sa largahan ay nauna sa lundagan sina Jeff, subalit biglaang umarangkada sa may tabing balya ang kalaban nilang si Sky Dancer ni Pati Dilema. Sa pagkakataong iyan ay hinayaan muna ni Jeff na ibigay ang harapan kay Sky Dancer. Pagdating sa tres oktabos ay may tatlong kabayong agwat pa sa unahan si Sky Dancer, kaya naman unti-unti nang ginalawan ni Jeff ang kanyang dala at nagresponde naman si Space Needle.
Pagsungaw sa huling kurbada ay may dalawang kabayong layo pa si Sky Dancer, pero sa tindi ng kamot ni Space Needle sa gawing labas ay nakalapit na sila. Pagpasok sa huling 100 metro ng laban ay nakaungos na si Space Needle hanggang sa lalo pang lumayo pagtuntong sa meta ng may tatlong kabayong agwat sa napagod nang si Sky Dancer. Naorasan ang nasabing takbuhan ng 1:21.0 (07-23’-24-26’) para sa distansiyang 1,300 meters.
Sa panalong iyan ni Space Needle ay isa na siya sa mga napipiling contender sa nalalapit na unang serye ng Triple Crown sa taong ito na magsisimula sa buwan ng Mayo. Kaya kayo mga klasmeyts, may napipisil na rin ba kayo sa pinaka-aabangang malaking pakarera para sa mga 3YO na mananakbo?
REKTA – Fred Magno