MAHIGIT 1,000 atleta, kabilang ang ilang dayuhang man-lalaro, ang lalahok sa gaganaping Ayala Philippine National Open Invitational Athletics Championships sa PhilSports Arena (dating ULTRA) sa Pasig City simula ngayon hanggang sa Sabado, Abril 9, 2016.
Inorganisa ng Philippine Athletics and Track and Field Association (PATAFA) sa ilalim ng pamumuno ni Philip Ella Juico, sina-sabing kakaiba ngayon ay isasagawang edisyon ng national open dahil sa kauna-unahang pagkakataon ay suportado ng Ayala Corporation sa pangmatagalang kasunduan sa PATAFA.
Sa Philippine Sportswriters Association forum sa Shakey’s Malate kahapon ng umaga, ipinaliwanag ni Juico na hindi lamang kompetisyon at tagisan ng galing ang 2016 national open dahil ito rin umano’y paraan upang magkaroon ng ugnayan ang mga atleta sa sports fans at kanilang sponsors.
Bukod sa mga atletang Pinoy, lalahok din sa timpalak-palakasan ang ilang pamosong manlalaro mula sa South Korea, Malaysia (Peninsula at Sabah), Singapore, Hong Kong, Guam, Brunei at Mongolia.
Inaasahang magpapakitang gilas ang mga Fil-American standout mula sa national team, tulad ng Southeast Asian Games hammer throw record holder na si Caleb Stuart, at ga-yon din ang mga talentadong Fil-heritage athlete na nagpahayag ng pagnanais na sumali sa event.
Ilan pang kasamang isponsor ng 2016 National Open ang Milo Nutri-up, Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), Foton Philippines, Summit Natural Drinking Water, Appeton, Asics Watch, L TimeStudio, Business Mirror at ang radio station na Mellow 94.7.
ni Tracy Cabrera