Nag-ehersisyo lang ang kabayong si Low Profile na nirendahan ni Mark Angelo Alvarez nung isang araw sa pista ng Sta. Ana Park at nakapagtala pa ng magandang tiyempo na 1:12.8 (25’-22’-24’) para sa 1,200 meters na distansiya. Ayon sa ating bubwit ay kinakailangan pa rin na magbatak ni Low Profile kahit pa medyo lamang siya sa malaking pakarera na pinaghahandaan niya.
Napatunayan na mas batak sa aktuwal na laban ang kabayong si Wannabe ni Raffy Landayan kumpara sa outstanding favorite na si Tan Goal ni Jesse Guce. Sa largahan ay hinayaan muna ni Raffy na mauna ang kanilang mga kalaban at pagdating sa medya milya ay bahagyang hiningan na si Wannabe at agad namang itong nagresponde. Kaya pagsungaw sa huling kurbadahan ay tuloy-tuloy silang nakalapit sa mga nauunang kalaban na sina Tan Goal at Talilibanana, hanggang sa makalagpas at makalayo ng may tatlong kabayong agwat pagdating sa meta. Naorasan si Wannabe ng 1:13.6 (25’-22’-25’) para sa 1,200 meters na laban.
REKTA – Fred Magno