MAPAPALABAN na naman si Nonito Donaire Jr., at ngayo’y sa Smart Araneta Coliseum tatangkain ng Pinoy champ na mapatunayang muli ang kanyang husay bilang kampeon sa buong mundo.
Kinompirma ito ni Top Rank promoter Bob Arum makaraang matagumpay na mapanalunan ng 33-anyos na alaga sa kanyang comeback fight ang World Boxing Organization (WBO) super bantamweight title nitong nakaraang Disyembre kontra kay Cesar Juarez sa San Juan, Puerto Rico.
Sa nakalipas, nagwagi si Donaire sa ilang sagupaan sa the Big Dome, kabilang na ang panalo niya sa second-round knockout kontra kay William Prado ng Brazil noong nakaraang taon, na naging daan din para mapa-laban ang ‘The Hawaiian Punch’ ng world bout laban kay Juarez.
Noong 2009, nagsilbi rin ang Araneta Coliseum bilang launch pad ng kasikatan nang patigilin ni Donaire si Raul Martinez sa ikaapat na round para sa International Boxing Organization (IBO) at International Boxing Federation (IBF) flyweight crown.
Itataya ngayon ng pambato ni Arum ang kanyang korona kontra kay Mexican-Russian boxer Evgeny Gradovich sa Abril 23 sa The Big Dome.
“Matagal na naming plano na mapalaban siya (Donaire) sa Araneta,” wika ni Arum sa BoxingScene.com.
Napanalunan ng The Hawaiian Punch ang tatlong huling laban niya matapos bugbugin hanggang mapatulog si Nicholas Walters noong 2014 sa StubHub Center sa Carson, California.
Ngunit inaasahang mapapalaban nang husto si Donaire kontra sa dati niyang stablemate na si Gradovich, na may record na 20-1-1 kasama na ang 9 na KO.
ni Tracy Cabrera