HINDI naman siguro kalabisan sa Globalport ang isa pang matindi’t promising na point guard na tulad ni Roi Sumang.
Kaya naman kahit na mayroon na silang dalawang mahuusay na point guards sa katauhan nina Gilas Pilipinas 3.0 member Terrence Romeo at 2015 PBA Rookie of the Year Stanley Pringle ay kinuha pa rin ni coach Alfredo Jarencio si Roi Sumang nang manatili itong available.
Marami ang nagtaka kung bakit hindi nakuha sa first round si Sumang gayung matagal na rin namang pinag-uusapan ang manlalarong ito.
Kasi nga’y maganda ang credentials ni Sumang bilang manlalaro ng University of the East Red Warriors sa UAAP. Ang siste’y hindi gaanong umugong ang kanyang pangalan nang siya’y nasa PBA D-League na kung saan naglaro siya para sa Tanduay Rhummasters.
At hindi rin siya nakuha sa Philippine Team para sa nakaraang Singapore Southeast Asian Games kung saan ang mga napili ni coach Tab Baldwin ay pawang mga point guards buhat sa NCAA. Kinuha ni Baldwin sina Baser Amer ng San Beda, Scottie Thompson ng Perpetual Help at Jio Jalalon ng Arellano.
Sa Amer at Thompson ay pawang nakuha sa first round samantalang si Jalalon ay nasa ikatlong taon pa lang niya sa NCAA at may dalawang seasons pa.
Well, may isa pa sanang season si Sumang sa UAAP pero hindi na niya ito nilaro at nag-apply na nga siya para sa Draft.
Ang siste’y mababa na siyang napili at nakuha pa siya ng team na may dalawang matinding point guards. So, tiyak na hindi rin mabibigyan ng mahabang playing time si Sumang unless na makapagpakita kaagad siya ng brilliance.
Pero tiyak na hindi sasayangin ni Jarencio ang talent ni Sumang.
SPORTS SHOCKED – Sabrina Pascua