NBI nagbabala sa pyramiding scam sa Facebook
Hataw
September 3, 2015
News
Nagbabala ang National Bureau of Investigation (NBI) sa patuloy na pagkalat ng iba’t ibang uri ng pyramiding scam lalo ang mga pinakakalat sa pamamagitan ng social media tulad ng Facebook (FB).
Ipinatawag kamakalawa ni Anti-Fraud Division chief Atty. Dante Jacinto ang opisyales ng AlphaNetworld Corporation sa pangunguna nina Juluis Allan Nolasco, Josarah Nolasco at June Paolo Nolasco matapos silang ireklamo ng pyramiding scam ng negosyanteng si Emmanuel Estrella.
Ginagamit ni Nolasco at ng iba pang kasabwat na sina Lazarus David, Emily Ann Bacolod, Pierre Jasper Bacolod, Jennet Gorospe, Ma. Jacyn Tecson at Arthur Macogay Jr. ang kanilang FB accounts upang makaengganyo ng mga mare-recruit sa pyramiding scam na pinagpapasok ng pera sa kanilang bank accounts kapalit ng pangakong daang libong tubo.
Maraming nakukumbinse si Nolasco na maglagak ng malalaking halaga sa AlphaNetworld dahil kapag may seminar o training ang kompanyang nitong Hulyo 9, 2015 lamang nagparehistro sa Securities and Exchange Commission ay nakasakay siya sa bagong kotseng Ferrari na laging naka-post sa kanyang FB account.
“Taktika nila na ipakikita sa FB ang bank slips na may naghulog ng milyon-milyong piso sa kanilang pioneering packages at nagpapakita rin ng makakapal na pera kaya marami silang nakukumbinseng sumosyo gayong wala silang malinaw na produkto,” ayon sa isa sa mga nabiktima na si Jane Disierto.
May ulat din na nagsimula si Nolasco sa ganitong pyramiding scam sa Dubai at marami rin siyang nalokong overseas Filipino workers (OFWs) doon bago magpasyang umuwi sa Pilipinas matapos may magreklamo sa kanyang ilegal na gawain sa United Arab Emirates.
Ayon kay Jacinto, pinagpapaliwanag na nila sa NBI si Nolasco at ang kanyang mga kasamang opisyales sa AlphaNetworld dahil sa mga ebidensiyang ipinakita sa Anti-Fraud Division ay malinaw na isang uri ito ng pyramiding scam.