MATAPOS ang apat na araw na protesta ng Iglesia ni Cristo sa kahabaan ng EDSA na nagdala ng matinding trapik sa kamaynilaan, muling idinipensa nina Senador Grace Poe at Senador Chiz Escudero ang Iglesia Ni Cristo (INC) mula sa matinding batikos ng netizens at ordinaryong mamamayan.
“Siguro iba ang pagkaintindi nang marami, pero para sa ‘kin dinedepensahan ko ang karapatan ng lahat, ano man ang relihiyon mo — INC, Katoliko, Muslim, o kahit grupo ng magsasaka,” ani Poe. “Di po ito isang lakas ng isang grupo lamang, ito ay karapatan ng kahit na sino na magsabi ng kanyang saloobin basta lamang mapayapa at nasa framework ng batas.”
Kaparehas din ito ng pagdepensa ni Escudero sa naging pagkilos ng INC.
“Ipinagtanggol ko lamang naman ang kalayaan patungkol sa freedom of expression, gayon din sa freedom of speech and to peaceably assemble and petition government for redress of grievances,” sabi ni Escudero. “I have always fought for the things I believed in.”
Hindi pa nagdedeklara ng kandidatura sina Poe at Escudero ngunit nag-iikot na ang dalawa at kinakausap ang mga maimpluwensiyang grupo. Isa na rito ang INC, na sinasabing may kakayahang magbigay ng ‘bloc vote’ sa kanilang iniendorso.
Ayon kay Dindo Manhit, isang political analyst, dahil sa nakaraang protesta ng INC, maaaring maging negatibo ang epekto ng pag-endorso ng INC sa mga pipiliin nilang kandidato. “Because what we really saw is an organization, a religious organization, flexing its political muscle. We don’t like the church doing that,” ani Manhit.
Sinabi rin ni Manhit na hindi naman garantiya na mananalo ang kanilang mga inindorso kaya’t dapat magdalawang isip ang mga kandidato bago ligawan ang kanilang boto.
Nang tanungin si Manhit kung ano ang nakukuha ng INC sa kanilang pag-eendorso, sinabi nitong nagkakaroon ng poder ang grupo para manghingi ng mga posisyon sa gobyerno.
Sinabi pa niyang baliktad ito sa mga pampubliko nilang pahayag. “They want separation…but they are the only church in the country that tries to use their clout for political influence.”