CAGAYAN DE ORO CITY – Tukoy na ng pulisya ang apat suspek na bumaril at nakapatay sa radio anchorman sa lungsod ng Ozamiz City, Misamis Occidental.
Ito ay makaraan mapag-aralan ng Special Investigation Task Group (SITG) ang laman ng CCTV camera at nakita ang apat na mga suspek na bumaril sa biktimang si Cosme Maestrado ng DXOC Radyo Pilipino sa nasabing lungsod.
Inihayag ni Misamis Occidental provincial police director Senior Supt. Archieval Macala, batay sa nakuha nilang impormasyon, nagmula sa Metro Manila ang hired killers na pumaslang sa biktima.
Sinabi ni Macala, inilabas na nila ang computerized cartographic sketch ng mga suspek upang makatulong ang publiko sa pagtukoy sa mga salarin.
Muling inihayag ni Macala, ang pagiging hard hitting commentator ni Maestrado ang pangunahing motibo kung bakit siya pinaslang nitong nakaraang linggo.