Kuwestiyon sa Customs tagos sa gov’t
Hataw
August 31, 2015
News
“LAHAT ito ay hahantong sa kuwestiyon ng tiwala. At sa ngayon, wala nito ang gobyerno.”
Ito ang mariing pahayag ni OFW Family Rep. Juan Johnny Revilla kasabay ng pahayag na ang galit ng overseas Filipino worker (OFW) sa Bureau of Customs (BoC) at sa gobyerno matapos mapabalita ang planong buksan ang mga balikbayan box ay resulta ng masamang karanasan sa kamay ng mga tiwaling kawani ng ahensiya sa mahabang panahon.
“Hindi na pinagkakatiwalaan ng mga OFW ang BOC at maging ang pamahalaan. Bago pa man sumabog ang galit ng OFWs dahil sa isyung ito, batid na natin ang maraming gusot na pinagdaraanan ng mga nagpapadala ng mga kahon para sa kanilang mga pamilya dito sa bansa,” ayon kay Revilla.
“Maraming kamag-anakan ang dumaraing na nawalan ng kung ano-anong bagay, mataas na buwis na ipinapataw at di-makatuwirang pagkakatengga ng kanilang mga padala. Ang mga bangungot na ito ay naging pangkaraniwan na lamang kung kaya’t hindi natin masisi ang OFWs kung hindi pinagkakatiwalaan ang pamunuan ng BOC na pigilan ang malawakang pang-aabuso sa kanilang katungkulan,” paliwanag ng mambabatas.
Ipinapakita lamang umano ng kontrobersiyang ito ang dagliang pangangailangan para sa “bago at walang bahid na pamunuan sa Customs at maging sa gobyerno.”
“Habang nanatili sa pwesto ang mga opisyal na pinagdududahang ihinirang sa ahensiya upang maglikom ng pondong pangkampanya at iba pang mga kabuktutan, ang bawat hakbang at lahat ng kanilang ginagawa kahit gaano pa kaganda ang hangarin, ay siguradong pagdududahan,” ayon kay Revilla.
Sa puntong ito, ayon sa kinatawan, “lumalabas na nakalalamang si Sen. Grace Poe at Sen. Chiz Escudero sa usapin ng tiwala ng mamamayan.”
“Sa maraming pagkakataon sa Senado, ipinakita ng dalawa na ang tanging adyendang taglay nila ay pangangalaga sa kapakanan ng ating mga kababayan. Nakikita naman nila ito, kaya nga silang dalawa ang pinakapinagkakatiwalaang pinuno sa bansa,” dagdag ng mambabatas.
Ayon sa Pulse Asia Survey na isinagawa noong Hunyo, si Poe ang may pinakamataas na approval rating sa 93 percent. Sinundan ito ni Escudero sa nakuha nitong 83 percent.
Bilang tugon sa galit ng publiko sa isyu ng balikbayan boxes, inutusan ng Malakanyang ang BoC na itigil ang pisikal na inspeksyon o pagbubukas ng mga kahong ipinapadala mula sa ibayong dagat.
Sa isang pahayag na binasa ni Finance Secretary Cesar Purisima noong Lunes, ipinaliwanag niya: “Dahil dito, kinakailangang sumailalim sa X-ray at K9 inspection ang lahat ng ‘container’ na naglalaman ng mga balikbayan box nang walang halagang ipapataw sa nagpadalang OFW. Bubuksan lamang ang mga kahon kapag may nakitang kaduda-dudang resulta sa X-ray at K-9 inspection.”
Sinabi ni Purisima, “kapag nagsagawa ng pisikal na inspeksyon o binuksan ang mga kahong nabanggit, tatawag ang BoC ng opisyal mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) o isang kinatawan mula sa isang organisasyon ng mga OFW, upang saksihan ang inspeksiyong tutunghayan din ng CCTV monitoring sa lahat ng lugar na pagsasagawaan nito.”