Positive Poe, constructive Chiz sa 2016 — Mendoza
Hataw
August 28, 2015
News
“SAMYO ng sariwang hangin sa napakaruming mundo ng politika.”
Ganito ang pagha-hambing ni Batangas Rep. Mark Mendoza kay Sen. Grace Poe kasabay ng obserbasyong patuloy na lumulobo ang bilang ng mga sumusuporta sa babaeng mambabatas dahil sa kanyang positibong paningin, talino at kaaya-ayang disposisyon.
“Makikita ito sa reaksiyon ng mga estudyante ng University of San Carlos sa Cebu noong maimbitahan ang senadora upang magbigay ng talumpati. Hindi ito ‘yung tipikal na grupong hinakot gaya ng makikita natin sa maraming mga pagkakataon lalo na sa panahon ngayon. Nandoon sila dahil gusto nilang siya ay makaniig,” ayon kay Mendoza na isang miyembro ng Nationalist People’s Coalition (NPC).
Ayon pa sa mambabatas, kakikitaan si Poe ng “tunay na kasiglahang nakahahawa, yaong uring hindi huwad at naga-gaya.”
“Ito ang dahilan kung bakit napakainit ng pagtanggap sa kanya sa Cebu. Ito rin ang dahilan kung bakit marami sa aking mga kasamahan sa NPC ay nagugustuhan sya. Ramdam ang positibong pagtingin, na siya ang kailangan ng bansa; isang taong makapagbibigay-inspirasyon sa ating mga kababayan, ang taong kumakatawan sa kanilang pag-asa,” ayon kay Mendoza.
Ikinatuwa rin ni Mendoza ang patuloy na pagtahak “sa mas mataas na uri ng diskusyon, at ang pagtalakay niya sa usaping pambansa imbes tuligsain ang pagkatao ng ibang tumatakbo.”
Idinagdag ng mambabatas na ang senadora at si Sen. Francis Joseph “Chiz” Escudero ang nakikita niyang “perfect tandem” dahil si Escudero ay nananatiling nakatuon sa mga “polisiya at programa, hindi sa mga personalidad sa politika” tuwing nahaharap sa pagtalakay ng mahahalagang isyu.
“Palagi namang ganyan si Chiz, laging nagbibigay ng liwanag at mapagbuo. Sa mga diskusyon sa Senado, hindi namersonal, ni minsan. Problema ang inaatake, hindi pagkatao,” ayon kay Mendoza.
“Naghahanap ng solusyon. At batid niyang walang kahahantungan ang pagpapakitang-tao, walang buting dulot sa tao. Naghahanap ng kasagutan, hindi ng pananagutan.”
Kahit hindi pa nakapagdedeklara ng kanilang plano ang dalawang senador, sinabi ni Mendoza na ang mga kasapi ng NPC ay umaasang iaanunsiyo na ni Poe at Escudero ang kanilang pagtakbo sa lalong madaling panahon.
“Maliwanag ang nakikita nating mga palatandaan. Ang mga larawan sa Cebu at sa iba nilang mga pinuntahan ay nagsasabi na sa sandaling ianunsiyo ni Sen. Grace at Sen. Poe ang kanilang pagtakbo bilang pangulo at bise presidente, sasalubungin sila nang mainit na pagtanggap mula sa publiko.”