PANAHON na para patikimin ng kastigo, suspensiyon o pagpapatalsik sa Kamara ang mga kongresistang tamad dumalo sa sesyon.
Ito na ang pinakamabigat na suhestiyon ni Dasmariñas City Rep. Elpidio Barzaga sa gitna ng problema sa quorum dahil sa rami ng palaliban na mga kongresista.
Ayon kay Barzaga, marami ang hindi kontento sa kanyang naunang rekomendasyon na ipatupad ang “no work, no pay” para sa mga kongresistang hindi sumisipot sa plenaryo.
Ang drastic circumstance aniya ay nangangailangan na ng drastic action kaya dapat disiplinahin ang mga tamad na miyembro ng Kamara sa pagdalo sa sesyon.
Hinihimok ni Barzaga ang House committee on rules na pinamumunuan ni House Majority Leader Neptali Gonzales II, na magpatibay ng ‘rules and regulation’ para sa ganitong sistema ng parusa upang matapos na ang problema sa absenteeism.
Kailangan aniyang idaan sa konsultasyon kung ilang absences ng mga kongresista ang tatapatan ng pagkastigo o suspensiyon o pagsibak sa puwesto.
Iginiit ni Barzaga, nararapat na ang ganitong hakbang dahil kung ang mga estudyante at ibang empleyado ng gobyerno ay nadidisiplina kapag pala-absent ay walang dahilan para hindi sila mapatawan nang ganito ring parusa.
(JETHRO SINOCRUZ)