INAMIN ni Senador Antonio Trillanes IV na malaki ang posibilidad na magkawatak-watak ang mga miyembro ng Nacionalista Party (NP) sa 2016 presidential election.
Ito ay kung tutuloy sa pagtakbo sina Senador Alan Peter Cayetano, Ferdinand “Bongbong” Marcos at siya sa pagka-bise presidente sa 2016 elections.
Ayon kay Trillanes, nagkasundo ang liderato ng NP na kung talagang tutuloy ang higit sa isang miyembro nila sa iisang posisyon ay magkakaroon sila ng tinatawag na Pre-SONA.
Nangangahulugang nasa kamay na nilang tatakbo kung sino ang kanilang sususportahang kandidato sa pagkapangulo ng Republika.
Binigyang-linaw ni Trillanes, hindi rin nakatali hanggang halalan ng 2016 ang kanilang koalisyon sa Liberal party (LP) ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III kundi ito lamang ay noong 2013 senatorial election at hanggang matapos ang kanyang termino.
Nanindigan si Trillanes na tuloy na tuloy na ang kanyang pagtakbo sa 2016 presidential election bilang pangalawang pangulo sa kabila na pumapangalawa lamang sa pinakabagong survey.
Sinabi ni Trillanes, makikita ang kanilang mga hakbangin sa mismong araw ng kampanya upang matiyak na manalong ikalawang pangulo ng bansa sa 2016 elections.
Sa ngayon, ibinunyag ni Trillanes, wala pang pambato bilang Pangulo ang NP at wala pa rin indikasyon kung sino ang kanilang makakasama sa 2016 elections.
Ngunit sinabi ni Trillanes na patuloy ang negosasyon ng mga lider at miyembro ng NP sa pang mga partido politikal.
(NIÑO ACLAN, may kasamang ulat nina RHEA FE PASUMBAL, ANNE MARIELLE EUGENIO, BEATRIZ PEREÑA at ANGELICA BALLESTEROS)