Erice: Sino makikinabang kung matanggal si Poe?
Hataw
August 20, 2015
News
NAGBIDA si Senador Francis ‘Chiz’ Escudero na aalamin niya kung sino ang nasa likod ng natalong senatoriable na si Rizalito David, na nagsampa ng kaso sa Senate Electoral Tribunal (SET) laban sa pagkapanalo ni Sen. Grace Poe nung 2013.
Sinasabi ni David na hindi dapat nakaupo sa Senado si Poe dahil diskwalipikado sa isyu ng citizenship.
“Sino ba ang nagtulak at nag-uudyok sa kanya dahil OA naman na nag-file pa siya sa COMELEC, at hindi na ako magugulat kung mag-file siya saan man,” ani Escudero. “At kapag nalaman namin ‘yan, titiyakin naming ituturo at sasabihin namin.”
Sinabi rin ni Escudero na may hinala na siya kung saan nanggagaling ang mga banat kay Poe ngunit umaming wala silang ebidensiya.
Itinuturo ang Liberal Party na kinabibilangan ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino at DILG Secretary Mar Roxas na nasa likod ni David. Tahasan naman itong itinanggi ni Roxas at sinabing hindi niya kilala kung sino si David.
Tinawanan ni Caloocan Representative Edgar “Egay” Erice ang mga ganitong pasaring ni Escudero.
“Sino ba ang makikinabang kung hindi matuloy ang tambalang Mar-Grace?” tanong niya.
Mahihirapan si Escudero kung sakaling pumayag si Poe na tumakbong bise-presidente ni Roxas, dahil hindi na sikretong napupusuan rin ni Chiz ang puwesto.
Dumepensa naman kay Roxas si YACAP Partylist Representative Carol Lopez. “That is unfortunate because I think Mar Roxas should be given due pogi points for gentlemanly offering Senator Grace Poe to consider partnering with him like a true Filipino admirer,” sabi ni Lopez, kilalang kaalyado ni Roxas.
“It is unfair that his leadership style is thus thumped down because of malicious propaganda from various sources.”
Gaya ni Erice, kinuwestiyon din ni Lopez ang mga nagtuturo sa Liberal Party na nasa likod ng paninira kay Poe. “The question really is who stands to gain if any attempt to reach an accord between Sec. Mar and Senator Poe breaks down because of these interruptions,” aniya.