Grace ayaw kay ‘Frankie’(Sasagot kay Mar sa tamang panahon)
Hataw
August 18, 2015
News
SINABI ni Senadora Grace Poe na katulad ni Yaya Dub ayaw niyang mapunta kay Frankie Arinoli ng Aldub phenomenon, kaya’t pinag-aaralan niyang mabuti at sasabihin sa tamang panahon kung siya ay tatakbo sa mas mataas na posisyon.
Ito ang naging reaksiyon ng senadora makaraan aminin na nagtungo sa kanyàng tahanan kamakalawa ng gabi si DILG Secretary Mar Roxas kasama ang isang pribadong kaibigan.
“‘Yun tamang panahon lamang dahil ayaw naman natin mapunta kay Frankie,” ani Poe.
Sa panayam, sinabi ni Poe, pinag-usapan nila ni Roxas ang ukol sa 2016 presidential election.
Ngunit katulad ng dati hindi nangako ang senadora sa kalihim, sa halip ay nagpasalamat pa rin sa pagkonsidera sa kanya.
“Ako’y nagpapasalamat, bukas ang kanilang puso pero hindi ko hinihikayat na maghintay sila kung ito’y labag sa kanilang plano at labag sa kanilang loob,” wika ni Poe.
Inamin din ni Poe na hindi niya ipinaalam sa kanyang kaibigan na si Senador Francis Chiz Escudero na nagtungo si Roxas sa kanyang tahanan at tiwala siyang maunawaan ito ng kanyang kaibigan.
Sa panig ni Escudero, sinabi niyang hindi na bata si Poe at malaki na upang magpaalam pa sa kanya at walang dapat manghimasok sa ano mang desisyon ng senadora.
Hindi naman sumama ang loob o nagtampo si Escudero sa senadora at naintindihan niya kung bakit maraming nanliligaw na gustong maka-tandem ang kaibigan sa nalalapit na halalan.
Election offense laban kay Poe inihain sa Comelec
NAGHAIN ng election offense case sa Commission on Elections (Comelec) ang isang dating senatorial candidate laban kay Sen. Grace Poe.
Lunes nang dumulog sa Comelec Law Electoral Department si Rizalito David para maghain ng offense for material representation laban kay Poe.
Ayon kay David, hindi totoong natural born Filipino citizen si Poe gaya nang inilagay niya sa inihaing certificate of candidacy (COC) nang tumakbo sa pagka-senador noong 2013.
Dahil hindi aniya natural born Filipino citizen, hindi kwalipikado si Poe na tumakbo para sa posisyon sa Senado.
Una nang naghain ng quo warranto petition sa Senate Electoral Tribunal si David laban kay Poe noong isang linggo sa kahalintulad ding rason.
Cynthia Martin