Pasya sa TRO vs ‘Banaue photobomber’ ilalabas na
Hataw
August 17, 2015
News
INAASAHANG ilalabas ngayong linggo ng Regional Trial Court (RTC) ng Banaue ang desisyon kaugnay sa ‘motion for reconsideration’ sa TRO laban sa tinaguriang ‘photobomber’ ng Banaue Rice Terraces.
Matatandaan, hindi na pinayagan ng korte na palawigin ang naunang 72-hour TRO na inilabas nito laban sa pagpapatayo ng Banaue LGU sa seven-storey parking building sa tabi ng hagdan-hagdang palayan.
Idiniin ni Atty. Placido Wachayna, kinatawan ng mga sumasalungat sa naturang proyekto, desidido silang iakyat sa mas mataas na korte ang kanilang apela sakaling hindi sila katigan ng RTC.
Nauna nang nakiusap ang National Commission for Culture and the Arts (NCCA) kay Banaue Mayor Jerry Dalipog na suspendihin muna ang pagpapatayo ng parking building nang sa gayon ay makapag-dayalogo ang lokal na pamahalaan at ang mga grupong tutol sa proyekto.
Sinabi ni Wachayna, bukod sa makasisira ang gusali sa tanawin ng isa sa “Seven Wonders of the World,” hindi naman ito kailangang ipatayo dahil hindi ganoon karami ang mga sasakyan sa lugar.
“Sa isang taon po, less than a week na maraming sasakyan. Hindi naman araw-araw, hindi naman weekly, hindi naman buwan-buwan na maraming sasakyan. Gusto nga ng mga turista namin na naglalakad lang na mamasyal dito eh,” depensa ni Machayna.
Ayon pa kay Machayna, sinubukan na nilang magbigay ng mungkahi sa mga opisyales para sa pagpapatayo ng gusali sa tabi ng rice terraces. Hiniling din aniya nila na sa ibang lugar na lamang itayo ang parking building, at huwag sa tabi mismo palayan.
“Mayroong mga suggestions na 2-3 floors [na lang] para sa mga stalls, sa mga magbebenta sa palengke at saka yung remaining floors, yung parking, ay ire-locate. May mga suggestions na ganoon. Sinabi namin sa mga opisyales namin, kaso talagang doon daw, seven storeys doon mismo sa pinlano nila,” ani Machayna.
Nanawagan si Machayna na tutukan ang kapakanan ng Banaue Rice Terraces.
“Sana pagtuunan ng pansin ang preservation at restoration ng rice terraces. Kasi ‘pag nawala ‘yan, paano na ang Banaue?” sabi ni Machayna.