BBL ni Marcos inalmahan ni Iqbal
Hataw
August 17, 2015
News
ITINURING na ‘premature’ ni Communications Secretary Herminio Coloma ang pagbutas ni MILF chief negotiator Mohagher Iqbal ukol sa inilabas na bersiyon ng Bangsamoro Basic Law (BBL) ni Senator Bongbong Marcos.
Ito’y makaraan umalma si Iqbal dahil mahigit 100 probisyon ang sinasabing tinanggal mula sa orihinal na bersyon ng BBL.
Kabilang rito ang pagtatanggal ng preamble na inihalintulad ni Iqbal sa “kaluluwa ng tao.”
Ayon kay Coloma, mas mainam kung hintayin munang matalakay sa plenaryo ang nasabing batas.
“Baka premature ‘yung ganyang pahayag kasi ‘di pa naman nauumpisahan ‘yung pagtalakay (sa BBL) sa plenaryo. ‘Pag na-present na ‘yan, maging sa Kamara man o sa Senado, may pagkakataon ang lahat ng mambabatas, mga kinatawan at mga senador na magpahayag ng kanilang saloobin, magpanukala ng amyenda,” paliwanag ni Coloma.
Ibinida rin ng opisyal na ang prosesong pangkapayapaan sa ilalim ng administrasyong Aquino ay umaani ng suporta sa international community.
“Simula pa noong nakapagbuo ng Framework Agreement on the Bangsamoro noong October 2012, hanggang nalagdaan ‘yung Comprehensive Agreement on Bangsamoro noong Marso 2014 ay patuloy na umaani ng suporta sa international community ang prosesong pangkapayapaan na itinataguyod ng administrasyong Aquino,” ani Coloma.
Kakulangan ng quorum banta sa BBL
NAGPAHAYAG ng pangamba si Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez, chairman ng ad hoc panel on the Bangsamoro Basic Law (BBL), ang posibleng kakulangan ng quorum ay banta para hindi maipasa ang panukalang BBL sa Setyembre 20.
Sinabi ni Rodriguez, importanteng magkaroon ng quorum para maipasa ang nasabing panukala at mahalagang manatili ang mga mambabatas hanggang matapos ang sesyon.
Muling ipinagpatuloy ng House of Representatives ang kanilang plenary deliberations kaugnay sa panukalang BBL noong Agosto 10, ngunit tinapos agad dahil maraming mambabatas ang nag-alisan nang maaga at hindi tinapos ang sesyon.
Iginiit ni Rodriguez ang kanyang posisyon na dapat i-restore na lamang ang BBL sa original form nito.
Hindi matiyak ni Rodriguez na maaabot nila ang deadline sa pagpasa ng BBL dahil sa quorum issue.