Buwan ng maunlad na wikang pambansa nagbukas sa lungsod ng Taguig
Hataw
August 12, 2015
News
PORMAL na simula ang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa 2015 nitong Agosto 3 (2015) sa Taguig City Hall, Lungsod Taguig na may temang Filipino: Wika ng Pambansang Kaunlaran.
Sa pagpapaunlak ng pamunuang lungsod ng Taguig, nakiisa ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa pagtataas ng watawat na sumasagisag sa isang buwang pagdiriwang na siksik sa mga aktibidad para sa wikang pambansa, ang Filipino.
Tampok sa programa ang pagkakaloob ng KWF Kampeon ng Wika kay Punong Lungsod Maria Laarni “Lani” Cayetano para sa kaniyang masigasig na paggamit at pagpapalaganap ng wikang Filipino sa Lungsod Taguig.
Dagdag sa pagsuporta ng Lungsod Taguig sa wikang Filipino, nagpasá ng resolusyon ang Sangguniang Bayan na naghihikayat sa malawakang paggamit ng Filipino sa lahat ng opisyal na korespondensiya ng lungsod.
Nagbigay ng mensahe ang Tagapangulo ng KWF na si Virgilio S. Almario. Kasama ni Almario si Direktor Heneral Roberto T. Añonuevo, mga komisyoner ng KWF na sina Lorna E. Flores, Jimmy Fong, at Orlando B. Magno, at mga piling kawani ng KWF.
Sa talumpati ni Almario, idiniin niya na magkakabit ang pag-unlad ng wikang pambansa at pambansang kaunlaran. Dagdag niya, ang mataaas na pagpapahalaga ng mga Filipino sa kaniyang wikang pambansa at mataas na pagpapahalaga din sa sarili niya bilang Filipino.
“Nais naming itampok ang Filipino bílang isang wikang patuloy na umuunlad,” sabi ni Almario, na isa ring pambansang alagad ng sining para sa panitikan. “Makikita ito sa paggamit ng Filipino sa iba’t ibang larang gaya ng siyensiya, teknolohiya, pilosopiya, at iba pa.”