BFP level up sa 80 firetrucks – Mar Roxas
Hataw
August 10, 2015
News
KAHIT pababa na sa tungkulin bilang kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG), tuloy pa rin sa trabaho si Secretary Mar Roxas.
Ibinida ng Bureau of Fire Protection (BFP), isa sa mga ahensiya na sakop ng DILG, ang unang bagsak ng mga 80 bagong fire trucks na ibibigay sa mga 55 probinsiya.
“Dito sa harapan ninyo makikita ang katas ng ‘Daang Matuwid.’ Ito ay kabahagi ng malawakang programa ng Daang Matuwid na ipinapamahagi natin ang mga kakayahan, kaalaman at kasangkapan na kailangan ng ating magigiting na men in uniform, sa pulisya man o sa hanay ng mga bombero,” sabi ni Roxas.
Recados completos na rin ang proyektong ito ni Roxas dahil hindi lamang mismong fire truck ang ipamimigay kundi pati probisyon para sa fire station sa mga LGU ay kasama rin. Sa loob ng isang bagong fire truck ay kasama ang 14 bagong fire-fighting equipments na bota, axe, breathing apparatus, head and face protection gear at iba pa. “Ito ay upang mapalakas natin ang kakayahan ng ating mga bombero na bantayan ang ating mga kababayan at paigtingin ang kanilang abilidad sa pagsugpo ng apoy,” paliwanag ng Kalihim.
Sa Camp Vicente Lim naganap ang ceremonial turn-over ng mga bagong trak at gamit para sa mga bombero. Dinaluhan ito ng mga governor, municipal mayors at iba pang opisyal mula DILG.
May 55 probinsiya ang magiging benepisyaryo ng proyektong pinupuntiryang magkaroon ng sariling fire truck at fire station ang lahat ng munisipalidad sa buong bansa, ano man ang partido ng meyor nito.
“Tuloy-tuloy po ito hanggang maabot natin siyento porsiyento, walang pinipili, hindi tinatanong ang partido, hindi tinatanong ang chaleco at hindi tinatanong ang politika. Lahat ng bayan sa ating bansa ay dapat lamang magkaroon ng isang fire truck,” diin ni Roxas.
Ang proyektong bigyan ng bagong fire truck, fire station at kagamitan ang lahat ng bayan ay proyekto ni Roxas sa DILG. Nilalayon nitong palakasin ang kapasidad ng mga bombero upang tulungan sila sa pagtulong sa mga pangkaraniwang mamamayan. Sa pulisya naman, mga bagong patrol jeep at paglalagay ng mga CCTV sa matataong lugar upang mabawasan ang krimen ang mga proyektong tinututukan ni Roxas.