NAUNSIYAMI ang pagsasampa ng reklamo ng isang nagpakilalang concerned citizen sa Senate Electoral Tribunal (SET) para kuwestyonin ang legalidad ng pagiging senador ni Sen. Grace Poe.
Hindi ito natuloy dahil walang kaalam-alam si Rizalito David na kailangan niyang magbayad ng P50,000 filing fee at P10,000 cash deposit para tanggapin ng SET ang kanyang mga dokumento.
Dakong 10:40 a.m. nitong Miyerkoles nang dumating si David sa tanggapan ng SET sa Quezon City.
Aminadong walang perang pambayad, umapela siya sa mga miyembro ng media na mag-ambagan ng tig-P1,000 para matuloy ang kanyang reklamo.
Nanawagan din siya sa publiko na magbigay ng pera para makompleto ang kinakailangang pera.
Ngunit dahil walang nagbigay ng pera, napilitan siyang umuwi na lang. Hindi rin niya masabi kung kailan makababalik dahil hindi niya alam kung saan kukunin ang kinakailangang pera.
Sa dapat sana’y petition for quo warranto na ihahain ni David, kinukuwestiyon niya ang citizenship ni Poe.
Umiikot sa dalawang senaryo ang kuwestiyon sa citizenship ni Poe: una ay bunga ng pagiging ‘foundling’ o ampon niya at ikalawa ay nang bitiwan niya ang Filipino citizenship para maging American citizen.
Ngunit bago maupo noong 2010 bilang tagapamuno ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB), binitiwan ni Poe ang kanyang American citizenship.