GULANTANG SI MARIO SA PAGTUNOG NG SIRENA BABALANG LULUBOG ANG BARKO AT ‘DI NIYA MAKITA ANG KANYANG MAG-INA
“Matulog ka muna habang tulog si bunso,” aniya na may pagsuyo.
“Pahinga ka na rin,” ang pag-aalala sa kanya ni Delia.
Matagal na magbibiyahe ang barko sa karagatan mula Maynila hanggang Cebu. Nakatulog si Mario. Nakapamahinga siya nang mahabang-mahabang oras. Buhat kasi nang idiin siya sa kasong panggagahasa at pagpatay ng mga bata-batang pulis ni Kernel Bantog ay hindi na siya napagkatulog.
Biglang tumunog ang malalakas at sunud-sunod na pitada, ang babala sa napipintong paglubog ng barko. Nagkakagulo ang natatarantang mga pasahero. Nakatutulig ang mga hiyawan at tilian. Palahaw ang iyak ng mga bata at kababaihan.Nagkatulakan sa pagkuha ng salbabida at life jacket. Nagkanya-kanya ang bawa’t isa sa pagliligtas ng sarili.
Pagtayo ni Mario mula sa pagkakahiga sa tiheras, unang inapuhap ng kanyang paningin ang asawa at anak. Ngunit wala sa tabi niya ang mag-ina. Ang mga ito’y naitutulak palayo sa kanya ng hugos ng mga pasaherong nag-uuna-unahang makalundag ng barko. Anumang oras kasi ay bubulusok na ito sa kailaliman ng dagat.
Sinundan niya si Delia, yakap nang mahigpit ang kanilang anak at todo-sigaw sa pagtawag sa kanyang pangalan. Ngunit kisap-mata’y tumagilid na ang barko. Nabuwal siyang patihaya, dumausdos sa nakakiling at nagtutubig nang sahig. (Itutuloy bukas)
Rey Atalia