ITINANGHAL na kauna-unahang The Voice of the Philippines ang 43- anyos na beteranong band vocalist na si Mitoy Yonting ng Team Lea matapos nitong makuha ang pinakamataas na porsiyento ng mga boto mula sa publiko sa final showdown ng singing-reality show sa Newport Performing Arts Theater sa Resorts World Manila noong Linggo, Sept 29.
Bago ang final showdown, may mga kumakalat nang tsika na sure winner na si Mitoy dahil manager nito ang Resorts World at natanong namin ang singer tungkol dito.
Itinanggi niya ang haka-hakang ito at iginiit na hindi niya manager ang Resorts World, nagpe-perform lamang daw ang banda nilang Drayber sa naturang venue at hindi rin naman daw matatawaran ang galing ng kanyang mga katunggali. Hindi nga raw siya nagpapaka-kampante dahil magagaling din ang kanyang mga kalaban.
Nakakuha si Mitoy ng 57.65% ng pinagsamang text at online votes para talunin ang second placer na si Klarisse de Guzman ng Team Sarah (42.35%) sa kanilang huling pagtutunggali na muling ibinalik sa zero ang kanilang scores.
Nagwagi si Mitoy matapos awitin ang Beatles hit na Help at ang isang nakaaaliw na performance ng Total Eclipse of the Heart kasama si coach Lea at komedyanteng si Vice Ganda. Sa Live Show naman noong Sabado (Sept 28), inawit ni Mitoy ang Anak ni Freddie Aguilar at ang kanyang original song na Bulag.
Bilang ang kauna-unahang winner ng The Voice of the Philippines, nag-uwi si Mitoy ng P2-M, isang home entertainment package, isang bagong sasakyan, Asian tour package for two, at isang four-year recording contract sa MCA Universal.
Nagbukas ang finale sa isang performance ng Top 24 artists ng The Voice of the Philippines kasama ang Journey frontman na si Arnel Pineda at singer na si Jed Madela.
Para naman ligawan ang publiko, nag-perform ang final four contenders kasama ang kanilang coaches at ilang surprise guests. Nagpakitang gilas si Klarisse kasama si coach Sarah at ang theater actor na si Robert Sena sa kantang Your Song. Sinundan ito ng performance ni Myk ng Morning Rose kasama si coach Bamboo, na sumayaw ng waltz kasama si Linn Oeymo.
Inawit naman ni Janice at ni Lolita Carbon ng Asin ang kantang Himig ng Pag-ibig bago sila sinamahan ni coach Apl para i-perform ang The Time (Dirty Bit) na umani ng hiyawan mula sa audience.
Nagsama-sama ang apat na coaches para sa isang madamdaming performance ng Man in the Mirror, samantalang nakipagsabayan din sina Mitoy, Klarisse, Janice, at Myk kay Shane Filan, ng dating boyband na Westlife na kumanta ng Fool Again at Uptown Girl.
Sa kabilang banda, gaano katotoong gumastos ng malaki ang Resorts World matiyak lamang na magwawagi si Mitoy? Sinabihan pa raw ang lahat ng casino employees na mag-text para tiyak ang panalo ng singer? Kung ganito ang siste, ano nga ba ang panama ng fans ni Sarah na suportado naman si Klarisse?
Well….
Maricris Valdez Nicasio