AAMININ namin, hindi kami mahilig sa beauty contest. Hindi namin pinanonood iyan kahit na sa TV. Ewan pero nakaiinip panoorin kasi eh, ang haba-haba wala rin namang pupuntahan. O siguro dahil hindi rin naman kami mahilig sa fashion. Kasi talagang streetwear lang ang isinusuot namin.
Iyong huli naming napanood na beauty contest ng buo, iyon pang Miss Universe noong 1974, nang unang gawin iyan dito sa Pilipinas, doon sa bagong tayo pa lamang na Folk Arts Theater, na nanalo siAmparo Munoz ng Spain. Pagkatapos niyoon wala na kaming napanood na beauty contest ng buo, nakikita namin ang kapiraso at tapos tama na.
Pero noong Sabado ng gabi, 9:30 p.m. pa lamang ay kalat na kalat nang nanalong Miss World si Megan Young. Siya ang kauna-unahang Pilipina na nanalo ng title na iyon. Wala nang tigil ang mga nakapanood sa pay per view sa usapan. Iyong mga nag-abang sa internet, sige rin naman.
Dumating kami sa bahay, pasado 12:00 p.m.. Nang buksan namin ang Facebook, aba puro Megan Young ang laman. Si Tita Maricris Nicasio nga halos blow by blow ang posting. Ano ang dahilan at sobra ang excitement ng tao sa pananalo ni Megan Young?
Nagbukas kami ng TV, aba on air pa ang Miss World. Hindi pa pala tapos sa TV ganoong nambobola sila na sila raw ay “live via satellite” eh ang totoo pala mahigit na tatlong oras ang delay nila. Iyon ngang show ni Kuya Germs hindi na namin hinintay, dahil halos 1:00 a.m. na nang matapos ang Miss World. May isa pang programa kaya sabi nga namin, tiyak 2:00 a.m. na iyon.
Pinanood namin iyong mga huling bahagi noong Miss World. Napaka-articulate ni Megan. Napaka-fluent niya sa wikang Ingles. Pero ang talagang ikinabigla namin, matapos siyang maideklarang Miss World, bigla siyang nagsalita sa wikang Filipino. Sabi niya ”salamat sa aking mga kababayang Filipino”.
Aba, si Megan lang ang international beauty title holder na matapos manalo ay bumati sa kanyang mga kababayan sa wikang pambansa. Siya lang ang nagsalita ng Filipino. Noong gawin niya iyon, at saka lang kami nakadama ng excitement. Isipin mo, isang Miss World, nagsalita at bumati sa kanyang mga kababayan sa wikang Filipino.
Ewan, pero nagsimula kaming magsulat sa wikang Ingles. Hanggang ngayon naman ay nagsusulat pa rin kami sa wikang Ingles. Pero iba ang pagmamahal namin sa wikang Filipino. At ikinararangal namin ang iba pang nagmamahal sa sariling wika.
Hindi siguro iyon ang intention ni Megan nang magsalita siya ng Filipino. Siguro mas naisip lang niyang mas maiintindihan siya ng mga kababayan niyang nanonood sa free TV, ng kanyang fans at ng masa. Iyong mga Filipino na sumugod pa sa Indonesia para manood, tiyak na Inglesan nang Inglesan iyon doon. Pero tingnan ninyo, iyong reyna, si Megan Young mismo, ipinanganak sa Amerika pero itinuring bayan ang Pilipinas at nagsasalita sa wikang Filipino.
Sana mapahiya na ang mga Filipino, mga maiitim din naman ang balat, pero ano ang ginagawa, nagpipilit pang magpaka-Kano. Kumukuha ng “green card”, na akala mo pagdating ng araw ay aampunin siya ng mga Kano. Nakulong na nga sa US gusto pa roon sumaksak.
Si Megan ay nagbigay ng kakaiba at higit na karangalan sa ating bansa, hindi lamang dahil sa pananalo niya ng Miss World. Hindi lamang dahil siya ang kauna-unahang Miss World, kundi dahil sa katotohanang siya lamang ang international beauty title holder na nagsalita at nagpasalamat sa kanyang mga kababayan sa wikang pambansa.
Ed de Leon