MARAMI ang nagtatanong kung ang Liberal Party (LP) ni PNoy ang magiging hari bago sumapit ang 2016 election.
Balitang-balita kasi sa Kamara na sangkatutak na kongresman na kaanib ngayon ng LP rin ni Mar Roxas ang lilipat ng partido at nag-aantay lamang ng magandang tiyempo.
Perfect timing ang gusto ng mga kongresista at dito raw tiyak mabibigla ang liderato ng LP dahil marami raw ang mga nagtatangkang lumipat.
Kabilang nga raw sa mga lilipat ng partido patungo sa bakod ni VP Jojo Binay ang isang tagapagsalita noong impeachment trial ni dating punong mahistrado Renato Corona.
Kapansin-pansin na rin kasi ang pananahimik ng naturang solon lalo na kung ikokompara noong araw na hindi siya pumapayag sa sinomang taong nagsasalita ng pangit sa kanyang mga amo sa Liberal Party.
Maging sa mga local politicians daw, marami na rin na-recruit si Binay mula Luzon, Visayas at Mindanao kaya’t tiyak magugulat ang Palasyo sa kaganapang ito.
Ang dahilan ng paglipat ng solons at lokal na politiko, ang hindi maayos na pagtrato ng pamunuan ng LP dahil umiiral daw sa pagbibigay ng ayuda at biyaya ang palakasan.
Marami pa rin daw sa LP solons ang walang napapala kaya’t mas maigi na raw na sumugal sila kay Binay.
Isa pa sa dahilan ng exodus ay ang paniniwala ng mga mambabatas na hindi kayang manalo ni Roxas kahit ano pa ang gawin ng LP dahil bilang mga kinatawan ng tao ay ramdam nila ang pulso ng kanilang mga mamboboto.
Sa maikling salita, biyaya at pagiging segurista ang usapin sa 2016 kaya’t tiyak na drastikong aksyon ang magaganap dahil tiyak naman may espiya rin si Roxas sa loob ng Kamara.
Alvin Feliciano