DAPAT nang baguhin ang imahe ni DILG Sec. Mar Roxas sa publiko kung gusto talaga ng Liberal Party na siya ang pumalit kay PNoy sa Malakanyang.
Ito kasi ang isa sa pinakakailangan sa imahe ni Roxas na sa hindi malamang kadahilanan ay nanatiling negatibo ang dating sa publiko sa kabila na hindi nadawit sa kahit ano mang isyu ng kurakutan sa gobyerno.
Sa salitang kalye, pagpapapogi sa lahat ng aspeto ang kailangan ni Roxas at ito ay kanilang dapat simulan agad-agad dahil nalalapit na ang 2016 at posibleng gahol na sila sa panahon.
Dapat na rin pakinabangan ang kanyang mga taga-isip kung may isip nga sila o mga sipsip-buto lang dahil bobo na lamang ang hindi nakaaarok sa kalalagyan ni Roxas kapag hindi nila binago ang image nito sa madlang people.
Kailangan gamitin rin ng Roxas camp o palakihin ang isyu ng pagiging malinis ng kalihim sa isyu ng kurakutan dahil sa kanyang mga posibleng makatunggali ay puno ng demanda sa Ombudsman at Sandiganbayan.
Issue oriented at gimik ang dapat pagsabayin ng Roxas camp para makahabol kay VP Jojo Binay dahil kapag hindi nila pinagsabay ang dalawang ito ay tiyak na kakapusin na naman ang asawa ni Korina Sanchez.
Masa ang mamboboto kaya’t dapat magpaka-masa si Roxas na nanatiling elitista sa isip at mata ng publiko dahil dito lamang siya makababangon.
Maraming magagaling na tao sa ‘Pinas kung gustong bumangon ni Roxas sa pagkakasadlak sa kawalan at iyan ang dapat niyang agad gawin dahil malinaw namang puro sipsip-buto at kumag lamang ang nakapaligid sa kanya na walang iniisip kung hindi magkamal ng pera.
Alvin Feliciano