SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
KAABANG-ABANG ang ang mga likhang Pinoy na susuotin ng mga bida at gawa ng iba’t ibang local fashion designers sa The Broken Marriage Vow bukod pa sa matitinding eksena.
Ayon kay Connie Macatuno, direktor at costume design head ng teleserye, tiniyak nilang puro local designs ang lahat ng susuotin nina Jodi Sta. Maria, Zanjoe Marudo, Sue Ramirez, Zaijian Jaranilla, at ng co-stars nila. Ito rin ang unang pagkakataong gagawin ito sa isang Pinoy teleserye.
“Matagal ko nang inisip na makagawa ng isang palabas na gumagamit ng local designs from local designers. Una kong naisip agad, pagsama-samahin silang lahat. Most of the local designers will be there in showcasing their original work. It’s the thing that excited all of us,” ani Direk Connie sa isang video na inilabas ng Dreamscape Entertainment noong Biyernes (Agosto 6).
Ipinakita rin sa video ang mga damit, sapatos, accessories, mga katutubong tela, at tradisyonal na Filipino clothes na ibibihis sa mga bida. Dagdag ni Direk Connie, nag-enjoy siya sa pagbubuo ng look at style ni Dra. Jill Ilustre, ang karakter ni Jodi at siya mismo ang pumipili ng susuotin ng cast members.
Sa pamamagitan ng pagsasama ng Pinoy at global brands sa serye, hangad ni Direk Connie na maitaguyod ang kultura at disenyong Pinoy sa buong mundo.
“We want to showcase our clothes, our roots, our culture in a different way. We get to wear the barong, the pinya on a daily basis. We get to wear the weaves of different places here in the Philippines, and showcase original works of different designers that have global appeal,” dagda pa ng director.
Susundan ng The Broken Marriage Vow ang kuwento ni Jill, isang babaeng biniyayaan ng isang masaya at kompletong pamilya. Dahan-dahan itong mawawasak sa oras na makutuban niyang niloloko siya ng asawang si David (Zanjoe) kasama ang mas batang kabit nitong si Lexy (Sue).
Ang The Broken Marriage Vow ang Pinoy adaptation ng hit BBC series na Doctor Foster. Gagawin ito sa ilalim ng produksiyon ng Dreamscape Entertainment at ipalalabas sa iba’t ibang platforms ng ABS-CBN.