DAHIL sa walang tigil na pagkilos ng pulisya laban sa ilegal na droga, naaresto ang 12 hinihinalang mga tulak sa magkakahiwalay na operasyon sa lalawigan ng Bulacan hanggang nitong Huwebes ng umaga.
Sa ulat mula kay P/Col. Lawrence Cajipe, provincial director ng Bulacan PNP, dinakip ang 12 suspek sa serye ng drug stings na ikinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Units (SDEU) ng San Jose del Monte (SJDM) City, Marilao, Sta. Maria, at Bocaue police stations.
Kinilala ang mga akusadong sina Hermenio Tagabis ng Brgy. Saog, Marilao; Frederick Ando Felix ng Brgy. Lias, Marilao; Jealyn Baldorado, alyas Jimson, at Josephine Dela Cruz, alyas Jackie, kapwa mula sa Brgy. Lolomboy, Bocaue, at kabilang sa drug watchlist; Eddie Boy Rempillo at Sonny Manansala Bucud, ng Brgy. Lias, Marilao; Rolando Domingo, alyas Bicho, at Regina Daza, kapwa mula sa Brgy. San Pedro, San Jose del Monte; Benny Gabinay at isang 17-anyos na binatilyo, kapwa ng Brgy. Gaya Gaya, San Jose del Monte; John Francis Gonzales ng Brgy. San Roque, Pandi; at Rico Alexis Seda ng Brgy. Bagbaguin, Sta. Maria.
Sa inilatag na operasyon ng pulisya, nasamsam mula sa mga suspek ang 46 selyadong pakete ng hinihinalang shabu at buy bust money.
Dinala sa Bulacan Crime Laboratory para sa pagsusuri, samantala inihahanda ang mga reklamong kriminal na idudulog sa korte laban sa mga suspek. (MICKA BAUTISTA)