NAARESTO ang isang ilegal na gun collector nang salakayin ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group – NCR Field Office kasama ang CIDG – Bulacan at Malolos City Police Station ang kanyang bahay sa lungsod ng Malolos, lalawigan ng Bulacan.
Armado ng search warrant sa kasong paglabag sa RA 10591 na nilagdaan ni Presiding Judge Nemencio Manlangit, ng Malalos MTC Branch 1, ginalugad ng mga awtoridad sa pangunguna ni P/Maj. Ferdinand Mendoza ng Southern District Unit ng CIDG-NCR ang loob ng bahay ng suspek na kinilalang si Jason King, nasa hustong gulang, residente sa Carmen V. De Luna St., Brgy. Longos, sa nabanggit na lungsod.
Narekober ng mga operatiba sa loob ng bahay ng suspek ang iba’t ibang klase ng matataas na uri ng baril katulad ng cal.5.56 o M-16 rifle; high capacity cal .45 pistol; cal .40 pistol; 9 mm pistol; Armscor high cap cal .40; 22 cal rifle; 12 gauge shot gun; mga bala; high grade marijuana na nagkakahalaga ng tinatayang P2,000,000; at timbangan.
Ayon kay P/Maj. Mendoza, resulta ang pagkakadakip kay King ng kanilang pinaigting na kampanyang Oplan Hercules lalo’t ang suspek ay itinuturing na high value individual target.
“Simula taong 2020 ay isinailalim sa mahigpit na surveillance sa ilalim ng Oplan Hercules si King ngunit inabutan ng enhanced community quatantine (ECQ) kaya hindi agad kami nakapag-apply ng SW sa korte kaya na-delay ang paghuli sa suspek,” pahayag ni P/Maj. Mendoza. (MICKA BAUTISTA)