NAKATAKAS ang suspek na target ng operasyon, gayonman, nadakip ang tatlong African national na nakuhaan ng mga baril at hinihinalang droga sa pagsalakay ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group 3, Pampanga PDEU at Mabalacat CPS sa isang apartment sa Brgy. Duquit, lungsod ng Mabalacat, lalawigan ng Pampanga, nitong Miyerkoles, 30 Hunyo.
Kinilala ni PRO3 Director P/BGen. Valeriano De Leon ang mga nadakip na suspek na sina Flabien Jerome Noah Omgba, Yves Emmanuel Bidias Wanko, at Prosper Henri Junior Essomba Mbarga, habang ang nakatakas ay kinilalang si Enzo Ombga na siyang target ng operasyon, mga nanunuluyan sa nabanggit na apartment.
Sinalakay ng mga awtoridad ang hideout ng suspek na si Enzo Omgba base sa bisa ng search warrant sa kasong paglabag sa RA 10591 na nilagddan ni Executive Judge Maria Angelica T. Paras Quiambao ng Angeles City RTC Branch 59.
Mabilis na nakatakas ang suspek sakay ng Hyundai Tucson, may plakang TOQ 865 nang matunugan ang pakay ng mga operatiba, habang naiwanan ang tatlo niyang kasabwat sa apartment.
Nakompiska mula sa mga suspek ang kalibre .45 at kalibre .38 pistola, mga magasin ng kalibre .45 at .22 na mga baril, 36 pirasong mga bala, limang pakete ng hinihinalang shabu na may timbang na 15 gramo, dalawang pakete ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana, may timbang na limang gramo, at 45 pirasong hinihinalang tabletas ng Ecstacy na tinatayang nagkakahalaga ng P250,000.
Nahaharap sa kasong paglabag sa mga probisyon ng Section 5 at 11 ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at RA 10591 o Illegal Possession of Firearms and Explosives ang mga nakakulong na suspek.
“With the stern implementation of the Intensified Cleanliness Policy of the Chief PNP P/Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar in Central Luzon, lawless elements and Criminals have lessen opportunity to carry out their nefarious acts since we will continue to target them to give our people safer communities,” pahayag ni P/BGen. De Leon. (RAUL SUSCANO)