VIRAL sa social media ang mga hinaing ng mga nag-aalborotong konsumer dahil sa biglaang paglobo, hindi ng mga kaso ng CoVid-19 kundi sa bill ng kanilang koryente.
Umabot ito sa kaalaman ng Kapitolyo, sanhi para paimbestigahan ang nasabing isyu ng pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Governor Dennis “Delta” Pineda.
Nakatakdang magsagawa ng inquiry ang Sangguniang Panlalawigan sa pangunguna nina Board Member, Atty. Ananias “Jun” Canlas, Jr., ng Committee on Environment, Board Member Dinan Labung, Committee on Energy, at Board Member Mylyn Pineda-Cayabyab, Committee on Appropriations, upang busisiin ang ugat ng isyung nagpapabigat sa pasanin ng mga konsumer lalo sa panahon ng krisis dulot ng pandemya.
Inimbitahan para magbigay ng kanilang panig ang mga electric providers, at iba pang grupo sa negosyo ng distribusyon at transmisyon ng koryente.
Inaasahang dadalo ang mga kinatawan ng Pampanga Chamber of Commerce and Industry sa gaganaping pagsisiyasat ng kinauukulan bukas, araw ng Huwebes, 10:00 am, 1 Hulyo, sa gusali ng Sangguniang Panlalawigan, lungsod ng San Fernando, ng naturang lalawigan. (RAUL SUSCANO)