TINATAYANG hindi bababa sa P286 milyong halaga ng mga pananim at impraestruktura ang napinsala ng bagyong Quinta nang manalasa sa rehiyon ng Bicol simula noong Linggo, 25 Oktubre.
Sa ulat kahapon, 27 Oktubre, ng Office of Civil Defense ng Bicol, naitala ang P286,200,000 halaga ng pinsala sa agrikulutura at pangingisda, habang umabot sa P26,000,000 ang pinsalang naitala sa
impraestruktura.
Ayon kay Gremil Alexis Naz, tagapagsalita ng OCD Bicol, nagmula ang mga inisyal na ulat ng pagtataya sa mga pinsala sa mga lalawigan ng Sorsogon at Camarines Sur.
Ayon sa ulat ng Department of Agriculture, sinira ng bagyo ang 5,588 ektaryang palayan, habang iniulat ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ang insidente ng fish kill sa lawa ng Buhi, sa lalawigan ng Camarines Sur, na 20 metriko toneladang tilapia, nagkakahalaga ng P2.1 milyon ang nawala.
Samantala, nawasak ang may kabuuang 6,671 kabahayan dulot ng bagyong Quinta. Ang koryete ay unti-unting ibinabalik sa lalawigan ng Albay, Camarines Sur, Sorsogon, at Catanduanes. Niragasa ng baha ang 20 bayan ng Camarines Sur at isang bayan ng Camarines Norte.
Samantala, iniulat ang landslide sa mga barangay ng Bagong Silang sa bayan ng Presentacion, Laganac, at Cabanbanan sa bayan ng Balatan, pawang sa lalawigan ng Camarines Sur.