LUMUBOG ang tatlong sasakyang pandagat sa lalawigan ng Batangas nang hagupitin ng bagyong Quinta nitong Lunes, 26 Oktubre.
Ayon sa ulat, nawawala ang isang crew ng yate na tumaob sa dagat sa lungsod ng Bauan, dakong 5:00 am, habang pitong miyembro ng crew ang nailigtas.
Ayon kay Tomas de Rosario, kapitan ng yate, lumakas ang alon at napadpad ang yate saka tumagilid, at nang pasukin ng tubig ay tuluyan nang lumubog.
Samantala sa bayan ng Mabini, nailigtas ang 80 pasahero ng isa pang lumubog na barko.
Nailigtas din ang siyam kataong sakay ng isang bangkang pangisda sa isla ng Lubao.
Humingi ng tulong sa mga awtoridad ang siyam na iba pang sasakyang pandagat na sumadsad sa mababaw na parte ng dagat sa lalawigan.
Samantala, stranded ang hindi bababa sa 72 indibidwal sa pier ng Batangas matapos makansela ang mga biyahe dahil sa masamang panahon.
Sa labas ng port, nakapila ang may 400 sasakyan kabilang ang mga delivery truck na may mga dalang buhay na manok at mga gulay.
Inilikas din ang ilang pamilyang nakatira sa mga coastal barangay sa mga lungsod ng Batangas at Calaca.