ARESTADO ang tatlong babaeng lasing makaraan pagtulungang gulpihin ang isang pulis habang hinuhuli ang dalawang lalaking ayaw magbayad ng kanilang nainom sa Navotas City, kahapon ng umaga.
Kulong ang mga suspek na sina Roby Rose Cinca, 26; Junnacel Sapiandante, 27, at Meldi Silva, 27, pawang residente sa Brgy. Tonsuya, Malabon City, at mga waitress sa Erica’s Restobar, nahaharap sa kasong direct assault upon agent in authority, at alarm and scandal.
Batay sa ulat ng pulisya, dakong 5:10 am nang maganap ang insidente sa nasabing restobar sa kanto ng Lapu-Lapu at M. Naval streets, Brgy. North Bay Boulevard.
Napag-alaman, humingi ng tulong ang security guard na si Joel Libre kay PO1 Christian Oclares ng Navotas PCP 4 dahil sa dalawang costumer na sinadyang hindi magbayad ng kanilang nainom.
Nang aarestohin ng pulis ang dalawang lalaking hindi nagbayad ay inawat siya ng tatlong lasing na babae at pinagtulungang bugbugin dahilan upang gumagamit ng lakas ang awtoridad.
(ROMMEL SALES)