MAAARING magbago ang urban travel landscape sa susunod na mga taon habang lumalawak ang personal mobility bilang serbisyo, salamat sa mga apps tulad ng Uber at Grab, kaya natural na magkaroon ng mas maraming ‘choices’ ang mga consumer para sa pagbibiyahe — ito ang inaasahan ng mga proponent ng bagong ‘robo-taxi’ technology na magbibighay-daan para sa kanilang tagumpay.
Mabilis na nakakuha ng momentum ang mga ‘robo-taxi’ sa iba’t ibang panig ng daigdig, at bawat major carmaker ay may sariling version ng nabanggit na teknolohiya. Umaasa ang mga forecaster ng Bank of America Merrill Lynch na makokopo ng mga fully electric car ang aabot sa 12 porsiyento ng pandaigdigang merkado sa pagsapit ng taong 2025, 34 porsiyento sa 2030, at 90 porsiyento sa 2050.
Para sa manufacturers, ang mga forecast na ito ay magbibigay-daan sa mga pagbabago na makabibingwit ng mas malalaking profit kada milya o kada biyahe. Halimbawa, maaaring simulan ng mga provider na maningil sa consumers para sa panahong nakasakay sila sa mga sasakyan.
Dalawa sa pinakamalaking motivating factor na pabor sa robo-taxi technology ang polusyon at lumalalang trapiko kaya sa mga developed na ekonomiya tulad ng Germany, Estados Unidos, United Kingdom at China, ang demand para sa malinis na mga sasakyan ay lumalago habang lumalaganap ang problema sa usok para sa mga residente sa pangunahing mga lungsod sa mundo.
Sa Alemanya, inilunsad kamakailan ng Daimler ang car-sharing service na Car2Go sa may dalawang dosenang lungsod sa magkakaibang bansa. Gayondin ang karibal at kasamahang German car maker na Volkswagen, na naglabas ng kanilang Moia, isang ‘social-movement’ na gumagamit ng mga e-shuttle, ride pooling at car hailing.
ni Tracy Cabrera