Monday , December 23 2024

Chiz unang VP bet na pumirma sa waiver (Mula pa noong 2010)

HABANG matapang na hinamon ng dalawa sa tumatakbong bise presidente ang lahat ng kandidatong presidente at bise na pumirma ng kani-kanilang waivers upang isantabi ang karapatan nila sa ilalim ng bank secrecy law, lumalabas ngayon na bukod-tanging  nag-iisa sa kanila ang mayroon na nito, pirmado, isinapubliko at isinumite sa Ombudsman kasabay ng SALN — si independent candidate para VP Chiz Escudero.

Inilabas ngayong Miyerkoles ng beteranang journalist na si Inday Espina-Varona sa kanyang accounts sa social media ang isang post sa opisyal na Facebook page ni Escudero na makikita ang notaryadong 2013 waiver ng Bicolanong Senador, na puwedeng gamitin, may bisa at umiiral pa hanggang ngayon.

Makikita sa nasabing FB post ni Escudero na, “noon pa man, nagsusumite na ng bank waiver si Sen. Chiz. Ginagawa na niya ito bago pa nanawagan ang ibang kandidato ngayong kampanya.”

Umpisa 2010, taon-taong isinusumite ni Escudero sa Office of the Ombudsman, kalakip ng kanyang taunang Sworn Statements of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN, ang isang “written waiver” upang buksan sa pagsusuri ang  kanyang deposito sa kahit na anong banko dito at maging sa ibang bansa.

“Ang seryosong paglaban sa korupsiyon ay ginagawa sa tunay na buhay at hindi ipinapa-trend at hina-hashtag lamang online,” saad sa nasabing FB post.

Noong Marso lamang, hinamon ng VP candidate na si Sen. Alan Cayetano na pumirma sa isang “manifesto” na nakaimprenta sa isang malaking pahinang karton  at nagsasabi na sinumang presidential at vice presidential candidate na nakapirma roon ay “nangangakong bubuksan ang lahat ng aming mga account sa banko, Philippine peso man o pera ng ibang bansa, dito at sa ibayong dagat, bilang pagtalima sa interes ng transparency at pananagutan.”

Hanggang ngayon, maliban sa nasabing “manifesto” sa karton, hindi inilalabas ni Cayetano ang kanyang pirmado at notaryadong “waiver,” kung mayroon siya.

Ayon kay Espina-Varona, ang waiver ni Escudero na nakapaskil sa kanyang facebook page ay “genuine,” at isang “opisyal na dokumento.”

Ang waiver ni Escudero ay isa umanong “notaryadong legal na dokumento, at dapat na isinusumite kalakip ng SALN sa Ombudsman. Maaari itong gamitin para sa lahat ng account sa banko na nakapangalan sa bawat opisyal ng gobyerno, at hindi lamang sa mga account na nakasaad sa kanilang SALN,” paliwanag ng kilalang mamamahayag at peryodista.

Sinabi din ni Espina-Varona ang pagpirma at pagsumite ni Escudero sa kanyang waiver ay nakagawian na taon-taon; ganoon din umano ang katambal ni Escudero na si Sen. Grace Poe, mula nang maging senador noong 2013. 

“Kahit sino, hindi kailangan ng talino kung gustong gumawa nang tama. Ang kahit ano – kung gusto mong itama – hindi mo naman kailangan ng kasabay o damayan pa ng buong mundo,”  dagdag niya.

Nauna nang tinuran ni Escudero na malawak ang palagay na pinoprotektahan lamang ng Bank Secrecy Law ang mga tiwali sa gobyerno. Salungat umano ito sa sa atas ng pananagutan at sa tingin ng publiko, balakid lamang sa pagsusuri sa kanilang mga pinuno.

Ayon pa sa beteranong senador, ang tanging paraan upang itama ang persepsiyon o pagtingin ng publiko ay “i-require ang lahat ng opisyal ng gobyerno – maging lahat ng mga nagnanais maluklok sa puwesto sa darating na Mayo, kasama riyan maging ako – na i-waive ang kanilang karapatan sa ilalim ng RA 1405.”

Pinairal ang pribadong pagbabanko noong 1955 matapos isabatas ang Republic Act No. 1405.

Ipinagbabawal nito ang pagbubunyag, pagtatanong o pagsusuri sa mga deposito sa kahit anong institusyon sa pananalapi at banko, at nagpapataw ng multa at parusang pagkakakulong sa sinumang mapatunayang lumabag dito.

About Hataw News Team

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Dead body, feet

Umakyat para magkabit ng ‘jumper’
LALAKI NAHULOG MULA SA POSTE NG KORYENTE, NANGISAY, PATAY

PATAY na bumagsak ang isang lalaking pinaniniwalaang umakyat sa poste ng koryente upang ilegal na …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *