Friday , December 19 2025
https://www.facebook.com/bingoplusph
Manny Pacquiao 2

Pacquiao suportado rollback sa presyo ng bigas at pagrepaso sa Rice Tariffication Law

NANAWAGAN si senatorial candidate Manny Pacquiao ng agarang pagbaba ng presyo ng bigas at masusing pagsusuri sa Rice Tariffication Law (RTL), sabay pangakong isusulong ang seguridad sa pagkain at pagbibigay ng suporta sa mga magsasaka at mamimiling Filipino kung siya ay muling mahalal sa Senado.

Binigyang-diin ni Pacquiao ang agarang pangangailangang pababain ang presyo ng bigas — na pangunahing pagkain ng milyon-milyong pamilyang Filipino — at itama ang tinawag niyang “hindi patas na epekto” ng pag-aangkat ng bigas sa ilalim ng RTL.

“Bigas ang buhay ng Filipino. Kailangan nating kumilos ngayon upang mapababa ang presyo ng bigas at maprotektahan ang kabuhayan ng ating mga magsasaka. Kung gusto natin ng tunay na matatag at seguradong Filipinas, kailangan nating bigyang-lakas ang mga nagpapakain sa bayan,” ani Pacquiao.

Bagama’t maganda ang layunin ng RTL na patatagin ang suplay ng bigas, kailangan itong repasohin upang matiyak na hindi nalulugi ang mga magsasaka.

“Hindi puwedeng laging dehado ang ating mga magsasaka. Kailangan natin ng polisiya sa bigas na inuuna ang magsasakang Filipino habang sinisigurong kayang bilhin ng mamamayan ang abot-kaya at dekalidad na bigas. Pagkain ‘yan, hindi luho,” diin ni Pacquiao.

Isusulong ni Pacquiao ang mga amyenda sa Rice Tariffication Law upang maisama ang mekanismo ng interbensiyon ng gobyerno, direktang suporta sa mga magsasaka, at pagsusuri kung paano ginagamit ang nakokolektang taripa.

Binigyang-diin din ni Pacquiao na ang seguridad sa pagkain ay usapin ng pambansang seguridad, at nangakong maghahain ng panukalang batas upang gawing moderno ang sektor ng agrikultura, investment sa impraestruktura sa kanayunan, at dagdag na subsidy para mapataas ang ani at kakayahang makipagsabayan ng mga magsasakang Filipino.

“Ang pagbibigay-lakas sa ating mga magsasaka ay pagbibigay-lakas sa buong bansa. Ang seguridad sa pagkain ay hindi lang dapat slogan sa kampanya—ito’y dapat maging pambansang layunin,” ayon kay Pacquiao.

Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng pagkain na nagpapahirap sa pamilyang Filipino, ibinabandila ni Pacquiao ang isang platapormang “balik-sa-pinagmulan”: palakasin ang lokal na produksiyon, protektahan ang sektor ng agrikultura, at tiyakin na bawat Filipino ay may abot-kaya at sapat na pagkain.

Inihain din ni Pacquiao ang isang komprehensibong inisyatibong “Production-Distribution-Consumption” (PDC) na layong pababain ang presyo ng bigas, pataasin ang kita ng mga magsasaka, at tiyakin ang seguridad sa pagkain.

Sa ilalim ng PDC initiative, nakikita ni Pacquiao ang mga sumusunod:

• Mas malaking puhunan mula sa gobyerno sa produksiyon ng bigas sa pamamagitan ng subsidiya, irigasyon, at makabagong teknolohiya.

• Reporma sa sistema ng distribusyon sa pamamagitan ng pagbawas sa mga middlemen at pagtatatag ng direktang farm-to-market routes.

• Proteksiyon sa mamimili sa pamamagitan ng price monitoring at pinalakas na buffer stock ng National Food Authority (NFA) upang mapanatili ang presyo sa panahon ng kakulangan sa suplay.

Hinimok ni Pacquiao ang administrasyon na makipagtulungan sa Kongreso upang mapabilis ang mga posibleng amyenda sa Rice Tariffication Law.

“Ang seguridad sa pagkain ay seguridad ng bansa. Kung gusto natin ng tunay na pag-unlad, hindi natin maaaring iwanan ang ating mga magsasaka. Isang matatag na sektor ng agrikultura ang pundasyon ng isang matatag na Filipinas,” pagtatapos ni Pacquiao.

Krystall Herbal Products and FGO Branches

About hataw tabloid

Check Also

Water Faucet Tubig Gripo

Tserman ‘di nagbayad ng bill  
Tumana residents pinutulan ng supply ng tubig

MAAARING mag-Pasko na walang tubig ang mga residente ng Barangay Tumana sa Marikina City matapos …

JV Ejercito BIR LOAs

Sen. JV Ejercito hindi pinalampas BIR hearing kahit nasa ospital

NAGAWANG makadalo sa pamamagitan ng virtual hearing si Senator JV Ejercito sa pagdinig ng Blue …

LTFRB TNVS Car

TNVS pick-up fare, inaprobahan ng LTFRB

NAGPAPASALAMAT ang Transportation Network Vehicle Service (TNVS) Community Philippines makaraang pakinggan  ng Land Transportation Franchising …

PH SEAG Football

Filipinas, Nakamit ang Unang Gintong Medalya sa SEAG Football

CHONBURI – Nadagdagan ng isang makasaysayang gintong medalya sa Southeast Asian Games ang listahan ng …

DLSU De La Salle UAAP

Green Archers, inangkin muli ang korona sa UAAP basketball

INANGKIN muli ng De La Salle University ang kampeonato sa UAAP men’s basketball matapos magwagi …