NAPATAY ang sinabing high value drug suspect sa pakikipag-enkuwentro sa mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), ngunit apat na tauhan ng ahensiya ang sugatan sa buybust operation na inilunsad sa Goodwill 3 Village, Brgy. San Antonio, Parañaque City Miyerkoles ng gabi, 9 Abril.
Batay sa ulat, dakong 5:30 ng hapon, 9 Abril, ikinasa ng Operating Unit ng PDEA NCR ang buybust operation sa Aster St., Goodwill 3 village, Brgy San Antonio, Parañaque City.
Positibong kinilala ang napatay sa enkuwentro, tinukoy na siyang target ng buybust operation ang isang alyas Sadam, sinabing taga-Datu Odin Sinsuat sa Mindanao.
Agad na itinakbo ang apat na sugatang PDEA intelligence officers sa kalapit na Parañaque Medical Center upang lapatan ng lunas.
Naaresto ang asawa ni Sadam, kinilala sa alyas na Lalaine Pidodido, at ang dalawang lalaking katulong sa bahay na sina Aladin Salipad at Binladin Untog.
Kabilang sa nakompiskang ebidensiya ang apat na paketeng naglalaman ng hinihinalang apat na kilong shabu, tinatayang may street value na P28 milyon.
Nakuha rin ang isang kalibre .45 baril, 6 live ammunitions, magazine, 2 cellphone, weighing scale, at P2 milyong boodle money.
Kaugnay nito, kasalukuyang sinusuri ang mga financial transactions ng grupo makaraang makuha ang checkbook ng isang malaking banko sa bansa.
Samantala, nasa pangangalaga at imbestigasyon ng scene of the crime operations (SOCO) ang dalawang kotse na sinabing pag-aari ni Sadam.
Sinusuri rin ang 9mm baril at 23 basyong bala na narekober sa crime scene. (NIÑO ACLAN)