MARAMING partylist ang nanligaw para sa endorsement ni Unkabogable Star Vice Ganda, ngunit tinanggihan niya ang mga ito dahil hindi siya bilib sa pagkatao ng mga nagsusulong ng nasabing grupo.
“Ang dami ring lumalapit sa akin na mga partylist na pinagdududahan ko rin, talaga. Parang ang layo sa pagkatao mo niyong partylist na binibitbit mo,” ani Vice Ganda sa kanyang vlog kasama si Angkas CEO at Angkasangga Partylist First Nominee George Royeca.
“Kasi ngayon, parang gamitan na lang din ang grupo ng tao na bibitbitin kuno, para mas magmukha silang relatable, mas magmukha silang masa at mayroong kaakibat,” dagdag pa ni Vice Ganda.
Ayon pa kay Vice, nagpasya siyang suportahan ang Angkasangga Partylist dahil bukod sa matagal na niyang kilala si Royeca, kaisa rin siya sa mga isinusulong na mga programa nito—kabilang ang magandang sistema ng Angkas na naipatupad na sa maraming lugar sa Pilipinas.
Isa sa mga plano ng Angkasangga Partylist na sinusuportahan ni Vice ay ang pagkilala sa informal workers bilang importanteng kasangkapan ng ekonomiya ng bansa.
Para kay Royeca, malaki ang maitutulong ng pagkilala sa informal workers para maiangat ang kanilang buhay at makaahon sa kahirapan.
“Paniwala ko, we can eradicate poverty in our lifetime if you just recognize those workers that are already working on a daily basis. Have a law that will protect them, their livelihood and income,” ani Royeca.
Nakiusap din si Vice kay Royeca kung maaari nitong suportahan maipasa ang SOGIE bill kapag nakaupo na ito sa Kongreso.
Ayon kay Royeca, matagal na siyang kaalyado ng LGBTQIA+ community at marami na silang ginawang kampanya sa Angkas para suportahan ang nasabing community at makakaaasa si Vice na boboto siya para ipasa ito.
